Itoy matapos makumpirma sa aming surveillance ng aming ipinakalat na mga BITAG undercover ang kanilang patuloy na pamamayagpag sa kanilang aktibidad.
Nakakasa na ang patibong ng aming BITAG para sa inyo SPO2 NORIE LORIEGA, TONY CHING at Supt. SOSA ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Camp Crame.
Sa nakalap na impormasyon ng aming mga BITAG undercover, patuloy daw ang iligal na aktibidad ng mga hinayupak. Partikular na rito ang pangongolekta ng intelihensiya sa mga kapwa nila kawatan.
Ayon sa aming imbestigasyon, nagpapatuloy ang pambabraso ng mga ito sa mga operator at maintainer ng mga illegal na pasugalan tulad ng peryahan, saklaan, fruit games o video karera at bookies ng karera.
Kabilang sa kanilang operasyon ay ang mga lugar ng Manila, Pasay, Cavite, Laguna, Bulacan at iba pang lugar sa Central Luzon.
Ang masahol pa rito, pinalalabas daw ng mga kawatang ito na ako raw mismo, nagagalit na at pinagmamadali ang koleksyon dahil kailangan ko na raw ang pera.
Sobrang kapal naman ng pagmumukha ng tatlong gunggong na to! Tsk-tsk-tsk!
Nais ko lamang linawin, hindi sumasang-ayon ang kolum na ito sa pamamayagpag ng mga illegal na sugal sa ating bansa. Subalit walang sinuman akong pinahihintulutang gamitin ang aking pangalan para sa kanilang katarantaduhan.
Kaya sa inyong tatlo, SPO2 Loriega, Tony Ching at sa bossing ninyong si Colonel Sosa, makinig kayo! Isang araw mula ngayon, magkikita tayo eye ball to eye ball! Itaga nyo sa bato, bilang na ang mga araw ninyo!
At inuulit ko sa inyo SPO2 Loriega, Tony Ching at Colonel Sosa, sinuman ang itinuturing nyong PADER na nasa likod ninyo, iharap nyo sa akin. Kaya ko itong gibain at durugin at ikiskis sa inyong mga mukha.