Hindi nagulat ang Con-Com members sa sigla ng parliamentary. Malaon nang pinasya ng mga nag-iisip na mamamayan na pumaltos ang presidential mula 1945. Malimit ang deadlock sa pagitan ng ehekutibo at Kongreso, at ng Senado at Kamara de Representante. Sobra nang magastos para mahalal: P2 bilyon para Presidente, P500 milyon para Bise at Senador. Maraming dapat ireporma sa gawi ng mga politiko sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas, pero mas iigi sila kung iba na ang sistema.
Sa federal nabigla ang Con-Com. Akala nila, ayaw ito sa Cebu. Pero sa mga konsultasyon, lumabas na inip na ang mga Cebuano sa paghahari ng Kamaynilaan sa buhay nila. Ganun din sa Iloilo. Sa Davao, wala ni isang kontra sa pulong-pulong. Payo ng Con-Com na mahinay na mag-transisyon sa loob ng 10 taon. Pero anang mga kinunsulta, handa na ang mga Saligang Batas ng kani-kanilang estado kung mag-shift sa federal.
Mainitan ang usapin sa economic provisions. Agad tinanggap ng mga mamamayan ang panukala ng Con-Com na payagang pumasok ang dayuhan sa industriya ng media at advertising, at utilities tulad ng tubig, kuryente o sasakyan. Kasi nga naman, kapos ang kapital ng Pilipino. Pero maraming ayaw sa pag-aari ng dayuhan ng lupa miski naman ito matatangay kung umalis ang dumayo. Kasi baka raw mapalayas ang mga tribo sa ancestral lands. Marami ring kabado sa pagpasok ng dayuhan sa pagmimina (miski aprobado na ito ng Korte Suprema). Ipinangako sa kanila ng Con-Com na pag-aaralang mabuti ang suhestiyon nila.