Sana nga ay walang pagtataas na magaganap at sana rin ay totoo na minomonitor ng DTI ang mga presyo ng bilihin. Sana nga ay totoo rin na ang mahuhuling magtataas ng presyo ay papatawan ng parusa. Kung ang mga pangakong yan ay matutupad ng pamahalaan, maaaring makahinga nang maluwag ang mamamayang sagad na sa hirap. Kahit na naghihigpit ng sinturon dahil sa walang tigil na pagtataas ng presyo ng gasoline at krudo, ang malamang minomonitor ng pamahalaan ang presyo ay nagbibigay na ng pag-asa sa maraming nagdarahop ang buhay.
Sampung porsiyento ang idinagdag sa EVAT at ang sabi ng pamahalaan, hindi ito papasanin ng taumbayan. Ang makokolektang EVAT ang gagamitin naman para mapaunlad ang bansa at ganoon din naman ang buhay ng taumbayan. Sa kikitain sa EVAT kukunin ang ipagpapagawa sa mga kalsada, tulay, eskuwelahan at iba pang proyekto.
Sana rin naman ay magkaroon ng katotohanan na magagamit nang husto at may katuturan ang kokolektahing EVAT. Hindi sana ito mapunta lamang sa bulsa ng mga kawatan. Nagsasawa na ang taumbayan sa walang katapusang pamamayagpag ng mga buwaya sa lipunan.
Gaya ng aming nasabi, ang masigasig at seryosong pagmomonitor ng pamahalaan sa mga presyo ng bilihin ang nararapat na isakatuparan ngayong naimplement na ang EVAT. Hindi pa marahil magtataas ang mga tusong negosyante pero kapag nakalingat ang mga nagbabantay baka sila sumalakay.