Ang pingot na plato

Sa tuwing kakain sa aming tahanan

Ay iisang plato ang nakakainan;

Ito ay malapad at malaking tingnan

Kasyang-kasya rito ang kanin at ulam!

Nakapagtatakang sa tuwing kakain

Ang naturang plato ang napapahain;

Pag sumasandok na ng ulam at kanin

Ang plato ring ito magnetong kuhanin!

Sa hanay ng platong nasa paminggalan

Laging nadarampot ang platong makinang;

Naakit ako sa magandang design

Bulaklak at dahon sa may tagiliran!

Sila’y pitong platong ang uri’y iisa

At pare-pareho ang disenyo nila;

At sa pitong ito’y laging napupunta

Sa mga kamay ko ang platong kaiba!

Kaya ninais kong ngayon ay sulatin

Ang nasabing platong nasok sa damdamin:

Hindi naman basag ay may pingot mandin

At hindi rin mantsa o parteng maitim!

Marahil kung kaya ang plato’y naukol

Sa aking pagkain kapag nagugutom;

Ang naturang pingot nagsisilbing hukom

Sa nagawang mali ay parusa ngayon!

Dahil ang buhay ko ay hindi perpekto

May nagawang lisya nang kasikatan ko;

Sapagka’t mahina ay natukso ako’t

Sa ibang bulaklak ako’y nakisamyo!

Ngayon ay tapos na panahong nagdaan

Kaya tapos na rin mga kabaliwan;

Ang pingot na plato sa aming tahanan

Ay pagkakasalang hukay ang naiwan!

Show comments