Bago naisagawa ang "Balikatan exercise" sa bansa ilang taon na ang nakalilipas, maraming rally at protesta ang isinagawa. Dumugo ang kalsada sa dami ng mga tumutol. Sigaw nila na huwag hayaang makayapak ang mga sundalong Amerikano sapagkat may lalabagin na naman silang karapatan. At tila nagsisimula na ang kinatatakutan ng mga tutol sa VFA.
Isang 22-anyos na Pinay ang ginahasa ng anim na sundalong Amerikano sa loob ng isang rented van noong November 1. Ayon sa report, ang Pinay na nagmula sa Zamboanga, ay sinamahan ang kanyang stepsister sa Subic para makipagkita sa boyfriend umano nito. Nakita silang kasama ng dalawang sundalo sa loob ng isang bar sa Subic dakong alas-otso ng gabi. Iniwan umano ng dalawang sundalo ang dalawang babae sa isang karaoke bar at doon ay nakitang nakipagsayaw ang isa sa mga Pinay sa isang sundalong Kano. Makaraan ang ilang oras, lumabas na ang sundalo kasama ang Pinay at dinala sa rented van. Pagkaraan ng ilang minuto ay mabilis na umalis ang van.
Ilang oras ang nakalipas, nakita ng mga nagpapatrulyang pulis na ibinaba ng isang dark-colored van ang isang babae malapit sa Subic telecommunications office sa Waterfront Road. Ayon sa mga nagpapatrulya, naka-panty lamang ang babae at naghehestirikal. Binigyan nila ng pantalon ang babae at dinala sa James L. Gordon Memorial Hospital at isinailalim sa medico-legal examination. Nang tanungin ang babae sa nangyari, sinabi niya na anim na sundalng Kano ang nanggahasa sa kanya. Ang anim ay sina Corey Barris, Chad Carpenter, Dominic Duplantis, Albert Lara, Keith Silkwood at Daniel Smith. Sinabi ng US Embassy official na walang whitewash na mangyayari. Katunayan, hindi na pinayagang umalis ang anim para harapin ang kanilang kaso.
Nararapat na tutukan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kasong ito para maisilbi kaagad nang mabilis ang hustisya sa ginahasang Pinay.