Marahil ay nabalitaan ni dating Agriculture Undersecretary Jocelyn "Joc-Joc" Bolante ang magandang kalagayan ni Garci kung kayat bigla na rin siyang nawala. Nagtungo raw si Bolante sa Los Angeles, California sakay ng Philippines Airlines Flight 102. May balita ring sakay din sa Flight 102 na iyon si dating Agriculture Secretary Luis "Chito" Lorenzo na tulad ni Bolante ay hinahanap ng Senado.
Ang dalawang opisyal ng Department of Agriculture ay parehong hindi sumipot noong nakaraang huwebes sa hearing na ipinatawag ng Senado para imbestigahan ang umanoy paggamit ng P728 million na fertilizer fund sa kampanya ni President Arroyo noong 2004 elections.
Ipinag-utos ni Senate President Franklin Drilon at Sen. Ramon Magsaysay Jr. na bantayan ng Immigration ang kilos ng dalawang opisyal.
Nauuso na yata sa administrasyon ni GMA na bigla na lamang nawawala ang mga nasasangkot sa kontrobersyal na kaso. Biglang nawala si Garci at ngayon naman ay sina Lorenzo at Bolante. Ang dalawa ay mga kaalyado ni First Gentleman Mike Arroyo.
Hindi maganda sa pamahalaan ni GMA ang disappearing act ng mga opisyal sapagkat mangangahulugang guilty sila kaya nagtatago. O minabuti nilang magtago na lamang upang wala nang madawit pang iba? Hindi maliit na krimen ang ipinararatang kina Garci, Lorenzo at Bolante. Dapat makahanap ng paraan ang Malacañang para hindi masisi na may kinalaman sila sa pagkawala ng mga nabanggit na opisyal.