Ang balitang nakarating sa akin, kalahating milyong piso ang upa ni Romy sa terminal ng jeepney sa Bgy. Rosario. Sobra naman ang laki nito? Pero ipinapaliwanag ng suki ko na ang halagang ito ay aabutin naman ng Christmas season kung saan may perang pangsugal ang mga tao. Kaya sa ngayon, binakuran na ni Romy Caloocan ang puwesto para itago niya ang mga sugal sa peryahan niya. Kaya lang dahil sa pagpapakipot ni Buenafe, aba panay bingo, at kung anu-anong paglilibangan pa lang ang laro roon sa peryahan ni Ka Romy. Magbabago pa kaya ang kaisipan ni Buenafe kung ang peryahan ni Ka Romy ang pag-uusapan? Kasi nga atat-na-atat na ang mga adik at mga holdaper na maglaro ng sugal sa peryahan ni Ka Romy. He-he-he! Maraming katanungan na si Buenafe lang ang makasasagot.
Noong isang taon kasi, maagang nagbukas ng peryahan si Ka Romy sa naturang puwesto. Nahinto pa nga ito panandalian at ginuwardiyahan pa ng mga SWAT ng Pasig City police dahil sa di-pagkakaunawaan. Kung kayang upahan ni Ka Romy ng kalahating milyong piso ang puwesto, aba, ibig sabihin niyan tumabo siya ng limpak-limpak na salapi doon noong isang taon at binalikan pa niya ito. Baka naman maganda lang ang parating ni Ka Romy sa barangay, Pasig police, NCRPO at CIDG kayat si Buenafe na lang ang nakahadlang. Ika nga ang huling baraha ni Ka Romy ay ang katauhan ni Buenafe. Babantayan ko mga suki kung sino ang kukuning padrino ni Ka Romy para iwaglit na lang ni Buenafe ang kanyang isipan sa peryahan niya.
Kung sabagay, hindi lang si Ka Romy ang nagbukas ng negosyo nitong bago mag-Todos los Santos kundi marami pa. Kasi nga nitong Christmas season maraming masabi nating bonus at iba pang pagkakitaan kayat maraming Pinoy ang magtatabi ng panlaro nila sa sugal sa peryahan tulad ng kay Ka Romy. Kaya ang panawagan ko sa mga suki natin, ibato nyo sa akin ang mga puwesto ng perya sa lugar nyo at ipararating ko sa mga kinauukulan. Wala akong sasantuhin sa problemang dulot ng mga ito. Kung may peryahan kasi, tiyak laganap rin ang mga adik at mga holdaper. Abangan!