Nobyembre Uno

Sa Nobyembre Uno tayo ay dumalaw

Sa puntod ng ating mga minamahal;
Isang taon tayo na parang naligaw —
Sa libingan nila’y ni ayaw sumilay!

Sa araw na ito ng mga yumao
Tayo ay magdasal nang bukal sa puso;
Ipagdasal nating sa kabilang mundo
Sila ay masaya’t kapiling ni Kristo;

Kung ang mahal nati’y namatay sa sakit,
Sa kanyang libingan tayo ay sumilip;
Idalangin nating sa ibang daigdig
Kalusugan niya ay muling magbalik!

Kung ang mahal nati’y nasawi sa hirap
Sa tabi ng puntod tayo ay lumingap:
Ipagdasal nating mahal na kabiyak
Malayo sa dusa maghapo’t magdamag!

At bukas -— Araw ng mga Kaluluwa
Ang mga yumao sana’y walang dusa;
At sana sa tuwing sila’y alaala
Kaluluwa nila’y masayang-masaya!

Maligaya sila sapagka’t kapiling —
Kaluluwa nila ng Poong Magaling;
Ang kasama nila’y santo’t mga anghel
At mga nilikhang ginto ang damdamin!

Kung ang kaluluwa ay muling magbalik —
Pagka’t nakalimot nang sila’y umalis,
Huwag katakutan at lingaping saglit
Ipagdasal silang magbalik sa langit!

Kung ang kaluluwa ay tahimik naman
Sa ulilang puntod tayo ay dumalaw;
Sa bawa’t pagtulo ng kandilang bantay —
Ang patak ng luha ay ating isabay!

Show comments