‘Pulutin ang mabuti, ang masama ay iwaksi’

NAALALA ko ang isang dating komersiyal sa TV kung saan ang isang ama ay nagtuturo sa kanyang anak na batang mag-aaral kung ano ang tama at mali hinggil sa alituntunin ng batas trapiko. Subalit nang ang ama ang nagmamaneho na ng kanilang sasakyan, siya mismo ay lumabag sa batas trapiko. Napakunot na lamang ang noo ng bata nang makita ang ginawa ng ama.

Ganito ang kahalintulad na sitwasyong tinukoy ni Jesus sa Ebanghelyo para sa araw na ito. At nagbigay ng babala si Jesus tungkol sa mga eskriba at Pariseo (Mt. 23:1-12).

Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, "Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang-bayan, at tawaging guro. Ngunit kayo — huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesias. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas."


Medyo mahaba ang Ebanghelyo, ngunit simple lamang ang punto: Sa anumang sitwasyon na kahahantungan ng ating sarili, lalo na sa ating pakikisalamuha sa mga makabagong "eskriba at Pariseo", ating "pulutin ang mabuti at iwaksi ang masama." Sa gayon, mapapangalagaan natin ang kababaang-loob na hinihingi sa atin ng ating pagsunod kay Jesus.

Show comments