Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nararapat magsumikap kung paano madadagdagan ang pondo ng gobyerno. Sila ang may awtoridad dito kaya dapat magpakitang gilas at hindi magningas-kugon. Nakakapangangambang ngayong ipatu- tupad na ang EVAT ay baka hindi na magkaroon ng sigasig ang BIR na habulin pa ang mga kompanya at indibidwal na nandadaya at hindi nagbabayad ng buwis. Baka iasa na lamang sa EVAT ang lahat sapagkat nalalamang malaki ang makukubra ng pamahalaan.
Sa report, sinasabing P106 billion ang nawa- wala sa pamahalaan taun-taon dahil sa mga hindi nakokolektang buwis. At karamihan sa mga hindi nakukolektang buwis ay mula sa mga mayayaman at self-employed indibidwal at mga single-proprietor business establishments. Sinabi ni Negros Oriental Rep. Herminio Teves na 291,601 self-employed individuals lamang ang nagbabayad ng tax at umaabot lamang sa P12.41 billion ang nakokolekta. May kabuuang 482,748 ang mga self-employed individuals. Noong nakaraang taon, nakakolekta lamang ang gobyerno ng P96.7 billion personal income taxes. Si Teves, senior vice chairman ng House ways and means committee ay sinabing nararapat magsagawa ng puspusang crackdown ang BIR sa mga mayayamang self-employed individuals.
Maraming nandadaya gayong kumikita nang malaki. Tinatalikdan ang responsibilidad. Nagpapakasagana sa pera pero ayaw ibigay ang para sa bansa. Habang ang mga government at private employees ay halos wala nang matira dahil sa pagkaltas sa personal income taxes nila, maraming self-employed ang gahaman. Tapusin na ang kanilang kasakiman. Singilin sila!