Lalong nag-init ang mga ralyista nang magpalabas ang Malacañang ng calibrated preemptive response (CPR). Palagay ng oposisyon ay talagang tinitikis sila ng Palasyo. Hindi nila masiguro kung ano ang ibig sabihin ng CPR kung kayat sinubukan nilang malaman ang kahulugan nito. Noong nakaraang linggo, hindi lamang mga kalaban ni GMA ang nakadiskubre kung ano ang CPR. Binomba ng tubig ang mga nagdedemonstrate na kinabibilangan ni dating Vice President Teofisto Guingona, Sen. Jamby Madrigal, Rep. Satur Ocampo, at maraming iba pa.
Sabi ng mga lider ng oposisyon, hindi na daw nila tatantanan ang pagpoprotesta sapagkat nararamdaman daw nila na ang ginagawa nila ngayon ang legal na paraan para mapatalsik si Mrs. Arroyo. Nagmatigas rin si Mrs. Arroyo at sinabi nito sa isang pagtitipon na hindi siya masisindak sa mga protesta laban sa kanya at sa kanyang administrasyon.
Umano ay matindi ang ginagawang preparasyon at pagpaplano ng mga kalaban ni GMA upang maging epektibo ang pagpapalayas kay GMA. Kapansin-pansin ang pagsasama-sama ngayon ng mga ibat ibang personalidad na dati ay hindi magkakasundo. Nangangako raw ang mga ito na hindi na magtatagal ay mapapatalsik na nila si GMA.
Ang problema nga lamang ay kahit na sino ang manalo sa labanang ito, ang taumbayan ang siguradong talo. At sana ay hindi mapikon si GMA sapagkat maaaring magdeklara siya ng martial law kapag naramdaman niyang tagilid na ang kanyang katayuan.