Angal nila, sobrang baho raw ang basura. Sa bagsik daw ng amoy, kahit gaano kalalim ang iyong tulog ay magigising ka pag dumaan ang barge na naghahakot ng basura mula pier ng Navotas patungo sa dumpsite.
Matapos ang ilang taong operasyon ng Philippine Ecology Systems Corp. (Phileco) sa dumpsite, inilagay na ng ilang katao ang batas sa kanilang kamay. Simula noong Abril 30, 2005, nagbarikada sila sa ilog upang pigilan ang barge ng Phileco na makarating sa dumpsite.
Umabot sa Korte ang usapin at nag-desisyon ang judge. Ang pasya: Puwedeng mag-operate ang Phileco sa Tanza dumpsite ng ilang buwan. Isinagawa ng Phileco ang atas ng hukuman. Lalo namang tumindi ang oposisyon ng mga taga-Obando.
Pumagitna ang DENR sa usapin. Sinabihan namin na bigyan pa ng ilang buwan ang Phileco na makapag-operate at pagkatapos niyon ay sarado na. Pero giit ng mga ilang mangingisda at residente ng Obando, dapat nang isara ang dumpsite. Iyon ay sa kabila ng pagsang-ayon ng pamunuan ng Philippine Ecology Systems Corp. (Phileco) na gawan ng paraan.
Kung ano ang nangyayaring hidwaan sa Tanza ang siya ring tunggaliang nagaganap sa maraming lugar sa bansa. Tumatanggi parati ang mga residente ng dumpsite area. Hindi naman ito mahirap unawain. Ngunit may basura tayong nililikha bawat araw. Kailangan itong kolektahin at itapon nang maayos o sa tamang paraan.
Isang solusyon sa problema ang segregasyon ng basurang nabubulok at di-nabubulok. Makatutulong din nang malaki kung ating isapuso at isagawa ang prinsipyo ng reuse, reduce at recycle. Ang mga ito ay ilan lamang para mabawasan hindi lamang ang volume ng basura kundi pati ang masamang amoy nito.
Sa madaling sabi, ang problema sa basura ay problema nating lahat at dapat nating sama-samang bigyan ng solusyon.