^

PSN Opinyon

‘Buhay at lupa...’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
NAGSADYA SA AMING TANGGAPAN si Emmanuela "Emy" Macaldo ng Biñan, Laguna upang humingi ng tulong sa pagkakapaslang ng kanyang ama at kapatid na residente sa San Roque, Northern Samar.

Nagkaroon ng hidwaan ang magpinsang si Antonio Macaldo, 62 taong gulang, ang biktima at Edencio Acibar na isa sa mga suspek sa pagkamatay ng una.

"Ang talagang pinag-ugatan ng kanilang away ay sa lupa na pilit na sinasakop nitong si Edencio. Masyadong malaki na ang nasasakop nila kaya gusto ng tatay ko na mabalik na sa kanya ang nasakop nila," kuwento ni Emy.

Hindi lamang iyon ang pagkakataong nagkaroon ng alitan ang magpinsan nang dahil lamang sa lupa. Sa pagitan ng taong 2003-2004, nagsanla ng lupa ang isang kaanak nilang si Elna Acibar kay Edencio. Nais na itong tubusin ni Elna subalit tila pinagkainteresan na ito ni Edencio.

"Ayaw nang ipatubos ni Edencio kay Elna ang lupa. Kinukuha na niya ito dahil tapos na ang kanilang kasunduang si Edencio ang aani ng mga tanim nito sa lupa sa loob ng isang taon," sabi ni Emy.

Namagitan si Antonio sa nangyaring ito at dahil dito nagalit si Edencio. Samantala kinasuhan naman ni Edencio si Elna ng theft. Pinagbibintangan nitong ninakawan siya ng kopra na nagkakahalaga ng P30,000.00.

"Lalong lumala ang sitwasyon dahil sa mga nangyari. Nakuha ni Elna ang kanyang lupa sa tulong ng tatay ko siyang namang ikinagalit ni Edencio," sabi ni Emy.

Ika-12 ng Marso ng 2005 bandang ala-1 ng tanghali habang sina Antonio ay papuntang So. Camambanan at iba pang kasamahan pinaulanan ng bala ng grupo ni Norieto Acibar ang mga ito mga 30 metro ang layo.

"Sa kabutihang palad ay wala namang nasaktan o tinamaan sa pamamaril na nangyari sa kanila kaya agad naman nila itong nireport ang nasabing insidente," kuwento ni Emy.

Nakaligtas ang grupo ni Antonio sa tangkang pagpatay ng grupo ni Edencio subalit kinabukasan, ika-13 ng Marso bandang alas-5:30 ng madaling-araw habang nasa loob ng bahay sa Brgy. Bantayan, San Roque at naghahanda para sa almusal sina Antonio, Julio Cantong, Ronnie Cantong at Mark Anthony, nakarinig sila ng mga putok ng baril.

"Nagsipagdapaan sila nang marinig nila iyon. Ilang segundo rin silang gumagapang para makaiwas sa tama ng bala pero ang tatay ko ay sadyang matanda na at mabagal kaya natamaan siya sa kanyang binti," salaysay ni Emy.

Samantala habang mabilis na tumakbo ang mga kasama ni Antonio nakita nila sa bandang likuran sina Norieto, Ruben, Bogard at Darwin at sila naman ang pinupuntirya at pinaputukan ng baril. Subalit nagawa naman nilang makaiwas sa pamamagitan ng pagtago sa may damuhan.

"May isa ring tinamaan sa grupo nila na nagtamo lamang ng daplis sa isang daliri nito. Habang nakatago raw ang mga kasama ng tatay ko, mga 50 metro ang layo ay nakita nila sina Norieto, Ruben, Bogard at Darwin na nakapalibot dito," kuwento ni Emy.

Walang awang pinagbabaril ng malapitan ng mga suspek si Antonio habang ito ay nakatigil at napaluhod pa. Samantala itong si Julio Cantong ay tumakbo sa may palayan at nang siya ay patawid na rito, nakita naman niya sina Edgardo Acibar, Orlando Acibar, Joey Acibar, Judy Acibar at Felipe Tuballas Jr.

"Siya naman ang babarilin ng mga ito pero umiba daw siya ng daan upang makiwas sa mga ito at mabilis siyang tumakbo at nakapagtago sa mga puno," sabi ni Emy.

Samantala pinatotohanan naman ni Elna ang mga mga taong may kinalaman sa insidenteng naganap sapagkat noong ika-12 ng Marso 2005 bandang alas-7 ng umaga habang bumibili siya ng kape at asukal sa tindahan sa may Brgy. Bantayan, San Roque, Northern Samar, narinig niya umanong nag-uusap sina Edencio Acibar at mga kasama nito ang planong pagpatay kay Antonio.

"Ilang metro lang daw ang layo nito nang marinig niyang nag-uusap ang mga ito kaya ang ginawa niya ay sumilip siya sa bintana at nakitang niyang nag-uusap sina Edencio at mga anak nitong sina Lando, Norieto, Edgardo at mga apo nitong sina Darwin, Bogard, Vilma, Judy, Ruben, Joey at Felipe. Pagkatapos daw noon ay umuwi na nang bahay nila si Elna," sabi ni Emy.

Agad namang nagsampa ng kaso ang pamilya ni Antonio Macaldo laban sa mga suspek. Ayon pa kay Emy, hindi lamang ama niya si Antonio ang nais ng mga itong patayin, maging ang kanyang kapatid na si Aurelius ay pinaplanuhan din nila ito.

"Barangay kagawad ang kapatid ko sa probinsiya namin pati rin siya ay pinagplanuhan. Mainit ang pulitika sa amin. Ang kapatid ko naman ay nasa panig ng oposisyon. Ika-1 ng Hulyo nang siya naman ay paslangin," pahayag ni Emy.

Inireport naman agad sa police station ang nangyaring pamamaslang kay Aurelius subalit hindi sila pormal na makapagsampa ng kaso laban sa mga suspek sapagkat hindi nila ito nakilala. Ayon kay Emy, hired killer ang pumatay sa kanya kapatid pero naniniwala siyang may kinalaman din ang mga ito sa pagkakapatay sa kanilang ama.

"Malakas ang kalaban namin sa mga nakaposisyon sa munisipyo sa amin kaya naman matatapang ang mga ito. Marami sa lugar na iyon ang takot na kalabanin sila dahil sinasabi nilang malakas sila sa mayor," sabi ni Emy.

Hangad ni Emy ang katarungan para sa kanyang ama at kapatid na pinaslang. Pakiusap din niya na hayaan ang batas ang humatol sa mga suspek na ito at huwag nang makialam ang nakaposisyon sa gobyerno na tumutulong sa mga suspek.

Para sa may mga problema sa lupa maaari kayong magsadya sa aming tanggapan tuwing Huwebes. Mayroon tayong representative mula sa Land Registration Authority na magbibigay ng advice sa inyo.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o ‘di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
E-mail address: [email protected]

ANTONIO

EDENCIO

ELNA

EMY

NAMAN

NILA

SAMANTALA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with