Magandang marinig ito mula sa isang Presidente. Sino ba ang hindi matutuwa na malamang umaangat pala ang ekonomiya at nangyari sa kabila nang mga malawakang protesta sa kalsada. Sino ba ang hindi matutuwa gayong napag-iiwanan na nga ang Pilipinas ng mga kalapit bansa kung ang pag-uusapan ay ang ekonomiya. Ang Vietnam na matagal ng pininsala ng giyera ay umiimbulog na at ganoon din naman ang Thailand.
Ang pag-angat daw ng ekonomiya ay nangyari sapagkat laging nakatuon ang pansin ng gobyerno rito. Sa madaling salita, hindi pinababayaan kaya nakamit ang limang porsiyentong pag-angat. Subalit ang nakapagtataka lamang, ang sinasabing pag-angat ay hindi naman maramdaman. Paano nga ba madadama ang sinabing pag-angat at nang ganap na maniwala ang marami lalo na ang mahihirap?
Ang sinabing pag-angat ng ekonomiya ay naganap habang maraming nagpoprotesta at humihiling na bumaba sa puwesto si Mrs. Arroyo. Nag-ugat ang krisis sa pulitika nang mabuking ang pakikipag-usap ni Mrs. Arroyo sa isang Comelec commissioner na pinaniniwalaang si Virgilio Garcillano. Kahit na nagsorry si Mrs. Arroyo nagpatuloy pa rin ang kaguluhan. Nawalan ng kapanatagan.
Hindi madama ang pag-angat ng ekonomiya sapagkat hanggang sa kasalukuyan, patuloy na naghihigpit ng sinturon ang taumbayan dahil sa walang tigil na pagtaas ng petroleum products. Sa pagpapatupad ng expanded value added tax (E-VAT) sa November 1 tiyak na lalo pang maghihigpit ng sinturon ang mahihirap. Tataas ang koryente, tubig, bayad serbisyo ng doctor at iba pa. Ang mahihirap pa rin ang magpapasan ng E-VAT.
Umangat daw ang ekonomiya. Kailangan muna itong madama bago maniwala ang taumbayan.