Maaaring lingid sa kanyang kaalaman ang problema ng ilan nating kababayan ay ang kapalpakan at pakikipagsabwatan ng Pag-IBIG.,
Ayon mismo sa ilan ding taga-loob ng Pag-IBIG, itinuturong ugat daw ng problema ay ang kapalpakan at pakikipagsabwatan umano ng ilang tiwaling empleyado nito sa isang sindikato.
Marami na kaming naririnig na problema sa loob mismo ng Pag-IBIG. Subalit alam namin, di lahat ng ito ay alam ng mga opisyal ng naturang tanggapan. Dahil dito, sa pamamagitan ng BITAG, ipinararating namin ang isang reklamo.
Lumapit sa amin ang isang ginang at ang kanyang mister na isang seaman. Halos nawawalan na raw silang mag-asawa ng pag-asang mabawi ang mahigit P300,000 na ginastos sa kanilang kinuhang bahay at lupa sa Bacoor, Cavite.
Ito ay bunsod sa mapanlinlang na guidelines ng ordinary lease program at mali o sadyang minali na paliwanag ng ilang taga-Pag-IBIG hinggil sa nasabing programa.
Ayon sa reklamo ng mag-asawa, ang lote na may sukat na 70 square-meters ay kanilang nakuha sa ilalim ng ordinary lease program ng Pag-ibig nung Setyembre 2003.
Dagdag pa ng mga nagreklamo, bagamat batid nilang pansamantala lamang ang pagmamay-ari nila sa bahay at lupa, napilitan na rin silang kunin dahil sa paliwanag na mapapasa-kanila ito makalipas ang isang taon, sa ilalim naman ng isa pang option na RENT-TO-OWN program ng Pag-IBIG.
Hindi raw puwedeng tirhan ang nakuhang property kung kayat gumastos daw ang mag-asawa ng halos P300,000 sa pagpapagawa ng bahay. Subalit, laking gulat daw ng mag-asawa nang mabalitaan, muling nagka-interes ang first borrower nito sa kanilang pinaayos na bahay.
Ayon sa pahayag ng nagreklamo, one-year lamang po ang ibinibigay na redemption period sa first borrower subalit ang ipinagtataka po namin kung bakit mahi-git dalawang taon na kaming nagbabayad sa Pag-IBIG, tapos biglang babawiin nila. Paano naman ang ginastos namin? Iginigiit po ng aming kausap sa Pag-IBIG, may karapatan pa rin daw ang first borrower, gayung lagpas na ito sa binigay na redemption period. Dahil po ba ito sa nakita nilang maayos na ang bahay na pinagawa namin?
Ang problemang ito ay inilapit namin sa mga kinauukulan opisyal. Kami mismo, nakita namin ang problema. May iregularidad sa transaksiyon.
Sa kasalukuyan, nasa tanggapan na ng Legal Division ng Pag-IBIG ang reklamo. Dito nakaabang ang kolum na to at ang BITAG sa inyong magiging aksiyon! Galingan nyo lang!