"Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito: "Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?" Sumagot si Jesus, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta."
Lahat nang nasa Kautusan at sinabi ng mga propeta, gayundin ng kasaysayan ng katapatan ng pakikipagtipan sa mga Judio, ay nakabatay sa kung ang mga katagang ito "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili" ay naisasagawa ayon sa pagsunod sa mga layunin ng Diyos na ang lahat ng kanyang mga nilikha ay matapat na sumunod at mamuhay ayon sa pagiging kalarawan ng Diyos. At walang lusot dito walang pasubali, walang pangangatwiran.
Tayo naman sino ang tinutularan natin? Ang mga Saduseo na nilalaro lamang ang teolohiya? O ang mga Pariseo at yaong gumagamit sa Kautusan upang subukin, linlangin o di kayay pahirapan ang iba? O si Jesus, na naglalayong tunay na masamba ang Diyos at mapangalagaan ang kapwa-tao?