Mabuhay ang kahibangan!!!

BINABALEWALA ng Malacañang ang huling survey ng Ibon Foundation kung saan lumalabas na 75% ng Pilipino ay ayaw na kay Madam Senyora Donya Gloria. Hindi rin matanggap ng administrasyon ang sinasabi ng Transparency International na patuloy na binibigyan ng gradong lagpak ang Pilipinas pagdating sa paglaban sa corruption.

Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio "Toting" Bunye at ngayon ay overall communications director pa ng Malacañang ang Ibon foundation daw ay "isang anti-administration propaganda machinery."

Reaksyon ito nila Madam Senyora Donya Gloria pagkatapos maglabas ang Ibon Foundation ng resulta ng kanilang survey na nagsasabing 64% na porsyento ng Pinoy ay gustong mapatalsik ang nakatira sa Malacañang sa pamamagitan ng People’s Power at 75% porsyento naman ang hindi natutuwa sa kanya at ayaw na sa kanya.

Hirit pa ni Bunye na mas marami raw silang dapat asikasuhin kesa ang Ibon survey so tanong ko lang po, bakit umuusok ang ilong ninyo sa galit at pilit n’yong sinisiraan ang naturang research organization. He-he-he!!! Kala ko ba ayaw n’yo sila pansinin.

Ayusin n’yo nga sagot n’yo at magusap kayo nang maigi dahil kung babalewalain n’yo ang Ibon bakit pati ang Little President, itong si Executive Secretary Eduardo Ermita ay nagsasabi rin na "bias ang Ibon dahil ito ay anti-government."

"We in government take our lead from the President who has been consistent in doing what is right in accordance with our Constitution to uplift the lives of our people," Ermita told a press conference in Malacañang.

Heller!!! Alam kaya nila sinasabi nila, pero Ginoong Ermita, ulit-ulitin n’yo na lang ang mga sinasabi n’yo pagka gising n’yo araw-araw at hanggang matulog kayo para ma memorize n’yo nang husto at mainternalize at mapaniwalaan n’yo nang husto.

Mas madali ang magsinungaling kung pinaniniwalaan na ang kasinungalingang binabanggit. Kailangan lang makabisado ng husto. Wow Philippines!!! No. 1 na tayo ngayon, sa Kahibangan nga lang.

Ngayon kung hindi n’yo pa rin mapaniwala ang sarili n’yo, kausapin n’yo ang Commission on Election (Comelec) ninyo na ang alam na bilang ng majority ng anim na Commissioners ay tatlo. Inuulit ko, tatlo ang majority ng anim ayon kay Abalos.

Kahit pala tinago n’yo si dating Comelec Commissioner Virgilio "Garci" Garcillano ay magaling pa rin kayo sa bilangan. No wonder, sana lang masagot ninyo yan sa apo n’yo at hindi yan ang maging sagot nila sa klase.

Chairman Abalos, aaminin kong bilib na bilib ang inyong lingkod sa inyo dati pero ididiin ko dati yon. Ngayon, nakakalungkot dahil mukhang nakalimutan n’yo na ang inyong pinanggalingan at umakyat pa ang hangin sa ulo n’yo. Sayang kayo!!!

Pagdating naman sa isyu ng corruption, hirit uli itong si Bunye na kung tawagin diyan sa bandang Batasan Pambansa ay hindi "Toting" Bunye kung hindi T_ting Bunye (bawal ho ilagay kaya bahala na kayo mag-fill in the blanks, sa kanila ko ho narinig) dahil mahilig raw sa urong sulong, hindi raw ganuon kabilis alisin ang corruption dahil nasa kultura na raw natin ito. Baka naman ibig n’yong sabihin ay minamana yan. Hereditary ho yata ang tawag doon.

Sabagay, sino ba ang may ninuno na sinibak ni American Governor General Dwight Davis sa Iloilo dahil sa pagproteksyon ng mga pasugalan kasama na ang jueteng. Base sa research, si Mariano Pidal Arroyo ang sinibak sa puwesto at ang nagbulgar pa ang ninuno naman ng mga Lopez na siya namang nagmamay-ari ngayon ng ABS-CBN network.

He-he-he!!! Tsaka nagtataka lang ako bakit wala pang isang linggong naupo sa Malacañang si Madam Senyora Donya Gloria ay may pinirmahan na siyang IMPSA contract kung saan $20 milyon ang kumalat. Dalawang million dito ay natagpuan sa Coots Bank, isang exclusive bank kung saan pati ang Royal Family ng England ay nagdedeposito.

Bukod doon, paano naman ang Diosdado MACAPAGAL boulevard, ang pinakamahal na boulevard sa buong mundo. Eh ang mga fertilizers o abono na pinamigay sa Metro Manila para gamitin sa mga kalye rito. Ha-ha-ha!!! Galing talaga.

Puwera pa riyan ang pinakamahal na train na gagawin rito. Sec. Bunye o Presidential Communication Group Chief Bunye nagkataon lang siguro ang mga pangalan ng Arroyo at Macapagal na madikit sa mga nabanggit at naalala nating mga "matitinding" proyektong yan o baka naman destabilization plot lahat yan.

Of course hindi n’yo kailangang sagutin dahil dapat kalimutan lang ang lahat ng yan gaya ng Venable Contract na nagkakahalaga ng mahigit P50 milyon dahil sino ba naman ang sambayanan na ayon sa mga figures na binigay ninyo ay umuunlad ang buhay.

Isa pa, may Executive Order 464 na kayo ay may emergency powers pa kayong hinihingi at ngayon may expanded value added tax pa na ang pahihirapan lang, ayon uli sa mga kasangga, kakampi, kaalyado at kampon ninyo ay magbibigay ng ginhawa sa mahihirap.

Tuloy n’yo lang yan, at least kahit sa press releases ninyo ay maginhawa ang buhay ng sambayanang Pilipino. HA-HA-HA!!! Comedy pa ang dating ano???

Balik naman tayo sa corruption index sa buong mundo na ayon sa Transparency International, last year 102nd ang Pilipinas, ngayon 117th na. Out of 159 na bansa pang 117th na tayo sa pinaka corrupt. Konti na lang aabot na tayo sa dulo. Iba talaga ang kasikatang pinagdadalhan sa atin. Kakaiba.

Pero huwag kayo magkakamali, kasinungalingan lahat ito. Mga gawain ito ng mga destabilizers at tandaan niyo higit sa lahat, hindi totoong pahirap nang pahirap ang sambayanang Pilipino. Gumaganda ang buhay ng bawa’t Pilipino ayon sa Malacañang. Dumarami ang bilang ng nagkakatrabaho at higit sa lahat love na love sila ng sambayanan. Sige na nga!!!

Mabuhay ang Kahibangan!!! Mabuhay ang Kahibangan!!!

Mabuhay ang Kahibangan!!! Mabuhay ang Kahibangan!!!

Mabuhay ang Kahibangan!!! Mabuhay ang Kahibangan!!!
* * *
Para sa anumang reaksyon, sumulat lang sa nixonkua@yahoo.com o nixtkua@gmail.com o mag text sa 09272654341.

Show comments