At ang ginawang desisyon ng Korte Suprema sa full implementation ng E-VAT ay ikinatuwa pa ng Malacañang. Sa pag-iimplement daw ng E-VAT ay nakatitiyak nang maisasakatuparan ng gobyerno ang mga fiscal reforms. Maipo-promote na raw ang pinaka-mahusay na economic environment. Maibibigay na raw ng gobyerno sa taumbayan ang mga pangangailangan at serbisyong dapat ay noon pa naipagkaloob. Sa karagdagang kikitain sa E-VAT, malaki ang magagawang tulong para mapaunlad ang bansa at ang taumbayan.
Malaki ang kikitain ng gobyerno kapag naimplement na ang E-VAT pero walang ibang kakarga nito sa dakong huli kundi ang mamamayan na rin mismo. Kung papatawan ng 10 percent ang mga sumusunod, tiyak na ang mahihirap ang aaray: Electric cooperatives, coal, natural gas at iba pang indigenous fuels; highway toll fees; domestic air and sea transport; cotton, cotton seeds at mga non-food agricultural products; mga gawang sining, likhang pampanitikan at komposisyong musical.
Ang matindi ay sa January 1, 2006 kung saan ang 10 percent tax ay magiging 12 percent na at mas marami pang produkto at serbisyo ang makokober. Lalo nang magiging kawawa ang taumbayang bugbog sarado na sa walang tigil na oil price increase at litung-lito na sa kaguluhang pampulitika. Malaki nga ang kikitain sa E-VAT pero mamamayan naman ang papatayin sa hirap. Kung ngayon ay walang humpay na ang mga protesta sa kalsada tiyak na baka dumoble pa at hindi na maaaring bombahin ng tubig ang mga magpoprotesta. Mga mamamayang nasa-sakal na sa hirap ng buhay ang magpoprotesta at makikisakay na lamang ang mga gurang na pulitiko at arsobispo. Kawawa ang mahihirap sa E-VAT.