Pinakamatindi diyan ay nang alisin nila sa atin ang karapatang pumili ng ating sariling pinuno nang alisin nila sa puwesto si dating Pangulong Erap na hinalal ng mayorya ng sambayanang Pilipino.
Pangalawa ay nang punuin nila ang Commission on Election ng mga opisyal na kapanalig nila gaya ng phone pal ni Madam Senyora Donya Gloria na si dating Comelec Commissioner Virgilio "Garci" Garcillano na sila naman ang nagmanibora at nakawin ang tunay na gusto ng sambayanan.
Andyan din ang pagsikil sa karapatang mag-rally o right to peaceful assembly sa pamamagitan ng pinatutupad na calibrated preemptive response ng ating kapulisan sa pamumuno nitong si Gen. Art Lomibao (chain of collection head), Gen. Vidal Querol at itong Manila (no longer finest) police chief Gen. Pedro Bulaong.
Nariyan na rin ang pagpatay sa kalayaan ng sambayanan na malaman ang katotohanan sa paraan naman ng pagpatay sa impeachment case na sasagot sana sa katanungang nagnakaw ba? Nagsinungaling ba? At nandaya ba?
Tigil na rin ang anumang karapatan ng publiko na malaman ang katotohanan sa pagpapatupad naman ng Executive Order 464 nagbabawal sa mga miyembro ng ehekutibo mula sa miyembro ng Gabinete ni Madam Senyora Donya Gloria na sumipot sa Senado upang sumagot sa tanong na nandaya ba? Nagsinungaling ba? O nagnakaw ba? Lalo na kung tungkol ito sa Hello Garci, fertilizer (ng Metro Manila, he-he-he!), Venable Contract o iba pang mga anomalyang involved ang kasalukuyang administrasyon.
Asahan nating sa susunod na mga araw ay lalong titindi pa ang pagpapatupad ng mga kautusan, hindi ho matatawag na batas dahil natitiyak kong hindi naman lawful order ang mga yan, na siyang sisikil lalo sa masang Pilipino pero lalo namang magbibigay ng "happiness" sa mga kaalyado, kakampi, kamag-anak, kasamahan at mga kampon ni Madam Senyora Donya Gloria na patuloy na mag-eenjoy ng mga karapatang "lumigaya, sumaya, mag-enjoy at higit sa lahat umabuso."
Ang nais yatang matirang karapatan natin, mga ordinaryong mamamayan na patuloy na naghihirap at naghihikahos sa buhay ay ang karapatang magpaapi o apihin.
Gaya ho ito ng nangyari kay Brgy. Capt. Artemio Pedragoza ng barangay dela Paz sa Antipolo na tatlong termino hinalal ng tao pero nagkamali at lumaban sa kaalyado ni Congressman Ronnie Puno, lider ng Kampi na siya namang partido ni Madam Senyora Donya Gloria.
Walang takot na nilabanan ni Pedragoza itong anak ng yumaong si King Sumulong na pinsan ni Komong Sumulong at pinsan naman ni Congressman Vic Sumulong at ginapi niya ito sa isang malinis na halalan.
Hindi matanggap ng kanyang mga kalaban ang pagkatalong ito kaya agad-agad namang nagprotesta sila sa Korte na agad din namang binasura. Paano nga naman makakapandaya ang isang hamak na katulad ni Pedragoza laban sa mga Sumulong na kaalyado pa ni Kampi head Rep. Ronnie Puno na kilala rin bilang operator ni Madam Senyora Donya Gloria.
Walang naniniwala sa pinalalabas ng mga makakapangyarihang tao diyan sa Antipolo at malaking sampal sa mukha nila ang nangyari. Hindi nila maaaring payagan ito dahil baka maglakas loob ang iba pa at bumangga rin sa kanila.
Agad nagtungo sa Commission on Election o Comelec ang grupo ng mga Sumulong at Puno at file naman ng panibagong complaint. Gaya ng dati, dinaya raw sila, wow, Sumulong na Puno pa kayang dayain.
Anyway, hindi nag-alala si Pedragoza dahil buong akala niya komo wala na si Garcillano ay nagbago na ang Comelec. Ang hindi niya naalala, wala na nga si Garci pero nandoon pa si Chairman Ben Abalos, Commissioners Rufino Javier at Rex Borra na nagpapatunay na hindi sila marunong ng Math o magbilang.
Bakit kanyo, simple lang, anim ho ang commissioners sa Comelec kasama na po itong bagong Commissioner na si dating Court of Appeals Justice Felix Brawner, Commissioners Mejol Sadain at Florentino Tuazon, so paano nagkaroon ng majority decision ang tatlong tao sa anim na miyembrong komisyon.
Baka ibang komisyon ang nasa sa isip nila. Yung commissions kaya na masarap pag-usapan at gastusin? Nagtatanong lang po dahil baka batuhin naman tayo ng cell phone at hindi tayo makapalag. (Ibang kuwento ho yan at abangan nyo tungkol sa binato ng cell phone sa Malacañang na walang nagawa kundi yumuko sa hiya dahil may hawak sa kanya si Madam Senyora Donya Gloria na napakabigat ano kaya yon?)
Uulitin ko, anim na commissioners, tatlo ang pumirma, nasaan ang majority. No wonder magulo ang bilangan.
Anyway, nilabas po ang desisyong yan ng Comelec at ngayon sinisibak itong si Pedragoza na iiling-iling na lang. Ang mga kabarangay niya naman, nagngingitngit na lang sa galit.
Plano kasi nila mag-rally kaso sa Comelec gagawin at dahil sa CPR wala silang karapatan. Gusto nilang magsumbong sa Kongreso o Senado pero dahil sa kakampi ang mga kongresista ng tinalo niya, tameme rin sila. Kung sakali naman sa senado, EO 464 naman kaya no can do rin sila.
Sa ngayon, walang magawa ang pobreng barangay captain kung hindi umapela sa Comelec o di kayay dalhin sa korte. Pero komo may desisyon na, mapipilitan siyang sumunod dahil hawak din ng kanyang mga kalaban ang pulis kaya kahit na upuan hanggang sa isa pang dekada ang kaso, sorry na lang siya.
In the meantime, ang natitira niyang karapatan na karapatang tinitira rin sa ating lahat ay ang karapatang magpaapi. Karapatang ayaw naman natin pero napipilitan nating tanggapin dahil wala rin tayong karapatang tumanggi sa nais ng mga makakapangyarihang nilalang na patuloy na umaapi sa sambayanang Pilipino.
Tsk! Tsk! Tsk! Kawawa naman talaga tayo!!!