EDITORYAL – Ipakitang kayang-kaya ang mga terorista!

NASA Pilipinas na raw ang mga Australian agents at Special Air Service Regiment troops para ayudahan ang mga sundalong Pinoy sa paghanap sa dalawang teroristang sangkot sa pambobomba sa Bali, Indonesia noong nakaraang linggo at marami ang namatay. Pero itinanggi ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Hindi raw totoo ang nakasaad sa Australian newspaper na nasa Pilipinas na ang mga sundalong Australians. Kung ang mga Kano nga raw na nagsasagawa ng military exercise ay hindi nila pinapayagan, ang mga Aussie pa. Labag din daw sa Konstitusyon na manghimasok ang mga dayuhang tropa sa Pilipinas.

Sana nga ay hindi totoo sapagkat magiging katawa-tawa kung ibang bansa pa ang makahuhuli sa mga Jemaah Islamiyah members na kinukupkop ng mga walang kaluluwang Abu Sayyaf.

Hindi naman nakapagtataka kung bakit masyadong mainit ang Australian authorities sa mga terorista. Napinsala na sila at marami nang namatay dahil sa pambomba. Tatlong taon na ang nakararaan, inatake na ng mga terorista ang Bali at 202 ang namatay na pawang mga Australians. Ito marahil ang dahilan kaya gusto nilang tulungan ang mga sundalong Pinoy sa paghuli sa dalawang terorista na miyembro ng JI na nagtatago umano sa Mindanao. Ang dalawa ay sina Dulmatin at Umar Patek. Sa Mindanao umano nagsanay ang dalawang ito sa pagiging bomb expert. Maski ang United States ay mainit din at agad nag-offer ng $10 million sa makapagbibigay ng impormasyon o makaaaresto sa dalawang JI militants. Kinukupkop umano ng Abu Sayyaf sa pamumuno ni Khadafy Janjalani ang dalawang terorista.

Ang tiniyak ng AFP ay ang posibleng pagsalakay ng mga JI militants sa Metro Manila. May dalawang terrorists cells daw sa Metro Manila at iyan ang kanilang wawasakin. Makaaasa raw ang mamamayan na hindi makagagawa ng pag-atake ang mga terorista sapagkat nakahanda na sila sa mga mangyayari. Ayon pa sa report, babaing suicide bombers ang gagamitin ng mga terorista. Kakaiba naman ang report ng Department of National Defense na nagsasabing 33 miyembro ng JIs ang narito sa bansa at noon pang nakaraang taon nag-ooperate.

Kayang-kaya ng AFP na wasakin ang JIs at Sayyaf. Iilan lamang sila kaya hindi nararapat na ang mga dayuhan pa ang mga makadurog sa kanila. Tiyak na pagtatawanan ang Pilipinas. Magiging dahilan para wala nang magtiwala. Patunayang kayang lipulin ang mga terorista. Huwag iaasa sa iba ang paglipol.

Show comments