Bro. Eddie exit na naman sa eksena

HANGGA ngayo’y hindi pa rin inaaresto si Bro. Eddie Villanueva ilang linggo matapos lumabas ang warrant laban sa kanya sa kasong estafa. Malamig na ang isyu at tila wala na naman sa limelight si Bro. Tanong ng kumpare ko, lihim nga bang nagtuwa si Bro. Eddie dahil lumalabas siyang underdog sa warrant of arrest sa kanya? "Media mileage" daw para sa oposisyon sabi ng aking kumpare. Sabi ni Bro. Eddie, pinsan ni FG Mike Arroyo si Benito Araneta na nagdemanda sa kanya ng estafa kaya malinaw na ito’y political harrassment.

Bago tayo tumalon sa konklusyon, suriin natin ang panig ni Araneta for fairplay. Sumira raw si Bro. Eddie sa kontratang pinirmahan noon pang 2001 sa ngalan ng kanyang ZOE television at EnterNet ni Araneta para sa ekslusibong pagpapatakbo ng channel 11. Ani Araneta dapat isinalin sa EnterNet ang management, programming at marketing ng himpilan sa paunang halagang P15 milyon binayaran na sa pamamagitan ng dalawang tseke na may petsang Marso 29 at Agosto 22, 2001.

Buwelta naman ni Bro. Eddie, si Araneta ang may malaking pagkakautang sa one year na pagpapatakbo ng himpilan na nagbunsod sa ZOE na pawalang bisa ang kontrara. Pero ayon sa kampo ni Araneta, natuklasan na matapos magbayad ng paunang halaga kay Bro. Eddie, nadiskubre na nakipagsara din ang ZOE sa grupo ni Carlos "Bobong" Velez ng Vintage TV Corp. at isinalin pa sa grupong ito ang pagpapatakbo sa lahat ng airtime ng Channel 11 mula 2000 hanggang 2015.

Gusto ni Araneta na maibalik ang P15 milyong naibayad niya sa ZOE dahil aniya’y "nilinlang" siya ni Bro. Eddie. Ngunit ang sabi ni Bro. Eddie, alam ni Araneta ang situwasyong ito at katunayan, pinatakbo pa ng EnterNet ang himpilan mula June 2001 hanggang July 2002 at may utang pa raw si Araneta na P70 milyon.

Naging dramatiko pa ang situwasyon nang nagpahayag ng kahandaang magpakulong si Bro. Eddie at hindi magpoposte ng piyansang P40 libo. Sabi ng kumpare ko, kung matagal nang batid ni Bro. Eddie ang kaso, bakit hindi niya agad inayos. "Humanap ba siya ng magandang tiyempo na makarating sa ganito at magkaroon ng political mileage ang oposisyon," Tanong niya. "Buti na lang" aniya "at hindi pa inaaresto si Bro. Eddie hangga ngayon. Nawalan ng init ang drama."

At heto pa ang nabalitaan ko, malalim pala ang pagkakamag-anak ni Araneta sa mga Arroyo. Ang asawa pala ni Araneta na si Baby Serrano ay pinsang buo ni Mila Serrano na pangalawang asawa naman ni Senate President Frank Drilon. Si Drilon na sinasabing "nag-set-up" sa Pangulo para umamin sa "hello garci" tape matapos sumira sa kanyang alyansa sa Presidente.

Show comments