EDITORYAL - Wala palang ngipin ang Ombudsman

HINDI na nakapagtataka kung bakit sa kabila ng iba’t ibang kampanya ng gobyerno laban sa mga corrupt ay patuloy pa rin sila sa pamamayagpag. Sisihin ang mahina at malamyang Office of the Ombudsman. Walang ngipin ang Ombudsman kaya sa halip na mabawasan ay lalo pang dumami ang mga kurakot at patuloy na pinaghihirap ang bansa. Bilyong piso ang napapasakamay ng mga kurakot taun-taon kaya naman hindi maibigay ng gobyerno sa taumbayan ang serbisyong dapat nilang tamasahin.

Ang kalamyaan o kahinaan ng Ombudsman ay ibinuking ni Tony Kwok, dating chief ng Hong Kong’s Independent Commission Against Corruption at ngayon ay consultant ng pamahalaan laban sa corruption. sa pagsasalita sa mga miyembro ng Asia Society Philippines Foundation sa Makati City noong Martes. Mahina raw ang Ombudsman ayon kay Kwok. Isang halimbawa raw, walang kapangyarihan ang Ombudsman na umaresto. Kapag nakita raw ng Ombudsman ang isang government official na nasa aktong sinusuhulan, wala siyang magawa ukol dito. Ang una raw ginagawa ng Ombudsman ay tumawag ng pulis. Isang aksiyon na lubhang katawa-tawa, ayon kay Kwok.

Walang kapangyarihan at lakas ang Ombudsman. Nakatatawa nga. Tama si Kwok. Nakaiinsulto sa Ombudsman ang kanyang sinabi pero ito ang totoo. Sa kawalang kapangyarihan, lakas at ngipin ng Ombudsman kaya walang humpay ang pamamayagpag ng mga kurakot sa gobyerno. Patuloy ang mga kawatan sa Customs, BIR, DPWH, Immigration, AFP at marami pang iba. Nakadidismaya talaga! Habang marami ang naghihirap at nalilipasan ng gutom, wala naman kabusugan ang mga kawatan sa maraming tanggapan ng gobyerno. Sa Customs, isang halimbawa, kahit na ang isang mensaherong sumasahod ng P6,000 isang buwan ay mayroong bagumbagong sasakyan. Namumutiktik ang bulsa ng mga taga-BIR at karamihan sa mga examiner ay may mga malapalasyong bahay.

Kung gusto raw ng mga government officials o employees na madakma ang mga manunuhol, ang payo ni Kwok, magsagawa ng entrapment . Huwag tanggihan. Kapag may nag-attempt daw manuhol, pabalikin kinabukasan. Isumbong daw sa hepe at nang makagawa ng entrapment operation para madakma.

Okey ang payo ni Kwok pero mas maganda kung ang tumatanggap ng suhol ang isailalim sa entrapment. Sila ang manmanan sapagkat wala namang magkakalakas ng loob mag-bribe kung nakikita nilang straight at tapat ang opisyal at empleado.

Show comments