Ayon kay Estilles nag-ugat ang pagdakma kay Napoleon Chavez, 30, ng #47 Palm Spring St., Marville Park Subd., Barangay Merville, Parañaque City dakong 12:30 ng madaling-araw noong Linggo, Oktubre 9 nang isang residente ang tumawag sa kanyang tanggapan na may isang kilabot na carnapper ang namataang nakihalubilo sa kasiyahan ng okasyon. Sing bilis ng kidlat na inatasan ni SPO3 Elpidio Soquina, ang hepe ng Anti-Carnapping Unit kasama sina PO1 Warlito Ferrer at PO2 Napoleon Cuaresma na magtungo upang tiyakin ang naturang tawag.
Mahigpit ang tagubilin ni Estilles sa kanyang mga bataan upang hindi makalikha ng kaguluhan sa naturang okasyon bago tumalima ang mga ito. Sa pamumuno ni PO3 Soquina maingat na pumasok ang mga ito at nang mamataan ang naturang suspek ay kanilang inimbitahan sa presinto, agad namang sumama si Chavez at habang binabagtas nila ang daan patungo sa police station ay naglabas ng isang license identification card ng Professional Regulatory Commission si Chavez na siya umano si Civil Engineer Rolando Pacheco na pansamantalang nagtatrabaho sa isang call center ng City Bank Main Office sa Makati City. He-he-he!
Naging palaisipan sa mga pulis kung bakit nagka- roon ng lisensiya si Chavez at naitago niya nang mahigit sa isang dekada na paglalangan ang mga kapulisan sa tunay niyang pagkatao, he-he-he! Maging ang kanyang pinagtatrabahuhan ay hindi rin nabisto ang kanyang pagkatao. Biruin niyo nga naman mga suki! Tunay ang kanyang dalang ID na ginagamit sa pagbabalatkayo.
Nakilala lamang siya nang dumating na sa presinto at ng maipakita ang mga larawan ng mga Most Wanted Criminals. Matapos ang masusing pagtatanong ay umamin si Chavez na siya ay dating miyembro ng kilabot na Magpayo carnapping group na kumarnap ng mga mamahaling sasakyan sa buong Metro Manila noong 90s at ng kanilang leader na si Alvin Magpayo ay kasalukuyang nakakulong sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa.
Matapos umanong makulong ang kanilang leader ay nagkanya-kanya na silang mamuhay (di muna natin babanggitin ang mga pangalan na kanyang tinuran upang hindi makasira sa operasyong isinasagawa ng kapulisan).
Bago pa pala ang pagkahuli kay Chavez ay may mga nalambat na rin ang mga tauhan ni Estilles na mga kilabot na motorcycle at scooter napper na nag-ooperate sa Multinational Village na nakilalang sina Ireneo Papa at Richard Garcia na pawang mga residente ng Kalsadang Luma, Imus, Cavite at naka-recover ng apat na motorcycles. At sa follow-up operation na isinagawa agad naman na naaresto ang mga kasamahan ng dalawa na sina Michelle Abrera, Omar Guevarra at Orlando Olaez matapos ang mahabang habulan sa runway ng Manila International Airport.
Nabuking din ni Estilles ang modus operandi ng mga kawatan kung paano nila ninanakaw ang mga motor sa pamamagitan ng screw driver at allen wrench na pinapasok sa mga susian ng kanilang target. At ang nakaw na motor at scooter ay ibinibenta sa barangay Alapan at Malagasang, Imus, Cavite sa halagang P6,000 lamang.
Dahil sa mabuting ipinamalas ni Estilles at ng kanyang mga tauhan marahil ito na ang magiging daan na maputol ang kawatan ng motor sa naturang lungsod, he-he-he! Mga suki, papurihan natin si P/Supt. Estilles at kanyang mga tauhan.