Grabe ang ipinaparatang ni Santiago. Ang tinatarget na patayin ay ang Presidente at ang idinadawit ay mga nirerespetong tao at matataas na opisyal ng pamahalaan. Nasaan ang pulisya at military na dapat ay nangunguna sa pag-iimbestiga sa mga ganitong kaso? Bakit hindi kumikilos ang Senado at mga kongresista? Tutal, mahilig naman silang gumawa ng mga imbestigasyon, "in aid of legislation".
Imbestigahan ang inilahad ni Santiago sapagkat nalalagay sa bingit ang seguridad at imahen ng bansa. Kung hindi ligtas ang buhay ng pinakamataas at pinakamakapangyarihan tao sa ating bansa, papaano naman ang kalagayan ng isang pangkaraniwang mamamayan? Nakakatakot kung ganito ang sitwasyon sa ating bansa.
Alamin kung tunay o gawa-gawa lamang ang alegasyon ni Santiago. Itinanggi ni dating President Aquino at Senate President Drilon ang paratang ni Santiago. Sabi ni Cory, wild imagination lang daw ni Miriam ito. Dapat malaman ng taumbayan kung ano ang totoo. Siguruhing maparusahan ang mga may kasalanan kung mapapatunayan kung ang mga ito man ay sina Cory at Frank. Kung nag-iimbento lang si Santiago, ikulong siya upang huwag nang mag-wild imagination at baka sabihing muli "I lied".