Dahil sa insidenteng ito, nagsampa ng reklamong sibil si Gina laban kay Aida para bayaran nito ang kapinsalaang tinanggap niya na masasabing labag sa moralidad, pampublikong patakaran at kagandahang-asal. Ipinakita rin ni Gina ang isang tape na naglalaman ng kanilang pagtatalo. Ayon kay Gina, lihim niyang ini-rekord ang usapan upang magkaroon siya ng patunay dito.
Matapos ang transaksiyon ng pribadong pag-uusap nina Gina at Aida, naihayag nito ang masasakit na salitang binitiwan ni Aida laban kay Gina na: Nakalimutan mo na kung paano ka pumasok sa hotel, kung gaano ka kabobo, wala kang utak, hindi ka makakapasok kundi ako, at ilan pang mahalay at mapanlait na mga salita.
Sa kabilang banda, nagsampa naman ng reklamong kriminal si Aida laban kay Gina sa paglabag nito sa Anti-Wiretapping Act, RA 4200 dahil sa lihim na pag-rerekord nito ng kanilang pribadong usapan. Bilang depensa ni Gina, iginiit niyang hindi saklaw ng RA 4200 ang pagre-rekord niya ng kanilang usapan dahil tinutukoy lamang ng nasabing batas ang walang pahintulot na pag-rerekord ng isang taong hindi partido sa isang pribadong usapan. At dahil siya raw mismo ang kausap ni Aida at siya rin ang nakatanggap ng pagmumura nito, masasabing wala siyang nilabag sa probisyon ng RA 4200. Tama ba si Gina?
MALI. Malinaw na tinukoy ng RA 4200 sa una nitong seksiyon na ilegal sa sinumang tao ang lihim na mag-rekord ng isang pribadong usapan nang walang pahintulot. Walang kaibahan kung ang taong magre-rekord ay partido o hindi sa isang usapan dahil ginamit ng RA 4200 ang salitang sinuman. Kaya, kahit na ang nagrekord ng palihim ay mismong partido sa isang usapan, hanggat walang pahintulot sa kanya ang kanyang mga kausap, isa na itong paglabag sa RA 4200.
Ayon kay Senador Tañada, may-akda ng panukalang ito, lubos ang pagbabawal sa mga tape na naglalaman ng nirekord na usapan nang walang pahintulot at ang paggamit nito pagkatapos laban sa kanyang mga naging kausap. Masasabing ang laban ay hindi patas at ang taong gumawa nito ay nandaya. (Ramirez vs. Court of Appeals 248 SCRA 590 G.R. 93833 September 28, 1995.)