Kapag ginawa naman ito ng administrasyon, sasabihin ng mga political detractors na "pampapogi." Sa totoo lang, iyan ang kailangan ng taumbayan. Serbisyong mapapakinabangan mula sa pamahalaan.
At sa hirap ng buhay ngayon dala ng sigalot sa pulitika at problemang pangkabuhayan, malaking tulong ang programang "Serbisyo Muna" ng pamahalaan na itinataguyod ng PAGCOR. Mas malaking tulong sana ito kung lahat ng sektor ng gobyerno, oposisyon man o administrasyon ay magbabalikatan para maihatid ang pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Sana.
Sa kasagsagan ng malakas na ulan kamakailan, naglingkod ang programang ito sa mga daan-daang mahihirap na pamilya sa Old Sta. Mesa sa pamamagitan ng medical at dental mission.
Sa magkatuwang na pagsisikap nina PAGCOR Chair Efraim Genuino at Manila 6th district Rep. Bienvenido Abante, dalawang medical teams ang dinispatsa sa naturang lugar na ang karamihan sa mga naninirahan ay pawang mahihirap.
Alam naman natin na seryosong problema ang kawalan ng pera lalu na kapag nagkakasakit ang isang miyembro ng pamilya. Maraming mararalita ang namamatay na lang sa karamdaman dahil sa kawalan ng serbisyo medical.
Bukod sa serbisyo medical, nagdeploy din ng mga rolling stores para mamahagi ng bigas sa halagang abot kaya o P18 bawat kilo. Sa idinaos na Serbisyong Bayan sa Sta. Mesa, naibulalas ng isang ina na nagngangalang Maricar Jali-jali na "napakalaki ang pasasalamat namin sa programang ito ni Presidente Arroyo.
Kung wala itong libreng konsultasyon at gamot baka hindi na gumaling ang anak ko sa matagal nang ubo at sipon."