Car painter na tinanggal sa trabaho

CAR painter si Andy sa GMC. Mahusay siyang magtrabaho. Ngunit noong March 1999 nang hilingin niya sa GMC na bayaran sa SSS ang mga premium na binabawas sa kanya, nagbago ang trato sa kanya ng management. Noong August 27, 1999, binigyan siya ng trabaho na pintahan ang mga tukod ng bubong ng bagong opisina. Pumayag na rin siya kahit hindi siya sanay magtrabaho sa mataas na lugar. Ngunit nang bumaba lang siya para uminom ng tubig, sinigawan ng German President at sinabing tanggal na siya at umuwi na lang matapos ang separation pay.

Kaya noong August 30, 1999 nagsampa siya ng kaso sa NLRC ng illegal dismissal. Sa kabila nito, sinubukan pa rin niyang pumunta sa GMC noong September 6, 1999 kung kailan tumanggap pa siya ng memo tungkol sa umano’y masasamang bisyo niya sa trabaho, paglalakwatsa at pagsuway. Tumanggap din siya ng suspension letter na may petsang August 27, 1999. Pagkaraan sinabihan na siyang huwag magreport dahil tanggal na siya mula pa August 27, 1999 samantalang noong September 28, 1999 tumanggap pa ang asawa niya ng memo para sa kanya na pinagpapaliwanag pa siya kung bakit hindi na siya nagre-report sa trabaho.

Ang depensa ng GMC sa reklamong illegal dismissal ni Andy. Hindi raw nila tinanggal si Andy kundi ito mismo ang nag-abandona sa trabaho niya. Mula raw August, naging tamad at matigas na ang ulo ni Andy. Sinuspinde lang daw siya noong August 27, 1999 at noong bumalik siya noong September 6, 1999, binigyan siya muli ng memo dahil sa kanyang katamaran at pagwalang bahala sa trabaho. Mula noon hindi na raw bumalik si Andy. Nagbigay muli sila ng memo noong September 15, 1999 na pinababalik nila si Andy kundi ay ituturing na inabandona niya ang kanyang trabaho. May katwiran ba ang GMC?

WALA. Ilegal nilang tinanggal sa trabaho si Andy. Ang memo nila noong Sept. 15, 1999 ay isang pakana na naisip nila makaraan ng kanilang maling ginawa. August 30, 1999 pa lang nagreklamo na si Andy. Ang suspension letter petsa August 27, 1999 ay binigay lang sa kanya noong September 6, 1999 kasabay ng memo. Kung talagang sinuspinde lang siya noong August 27, 1999, dapat nagprisinta ang GMC ng mga record ng mga proceedings o kaparaanang ginawa nila sa pagsuspinde. Malinaw na ang suspension letter petsa Aug. 27 at memo noong Sept. 6 at Sept. 15, 1999 ay pawang inisyu lamang ng GMC bilang paraan mabigyan katwiran ang pagtanggal nila kay Andy.

Kaya dapat ibalik si Andy sa trabaho at baya-ran ang kanyang suweldong di natanggap. (German Machineries vs. Endaya G.R. 156810. November 25, 2004).

Show comments