Babala at hamon

SA pang-araw-araw nating pamumuhay, may mga pagkakataon na lantaran na nating ipinapahayag ang katotohanang ating nakikita at nararanasan, ngunit may mga tao pa rin na kahit na alam ang katotohanan ay nagbibingi-bingahan pa rin. Ganoon din ang naranasan ni Jesus.

Sa Ebanghelyo sa araw na ito, matutunghayan natin si Jesus na nagbigay-babala sa mga bayang hindi nakinig sa kanyang mga aral, kahit na siya’y nagpahayag ng katotohanan, gumawa ng mga himala, nagpagaling ng mga maysakit at nagbigay ng kaluwagan ng kalooban sa mga mahihirap sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mabuting balita (Lc. 10:13-16).

"Kawawa ka, Corazon! Kawawa ka, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo, disin sana’y malaon na silang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo upang ipakilalang sila’y nagsisisi. Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa kaparusahan ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw, Capernaum, ibig mong mataas hanggang sa langit? Ibabagsak ka sa Hades!

"Ang nakikinig sa inyo’y nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyo’y nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin."


Ang Tiro at Sidon ay mga paganong bayan na dati’y hindi naniniwala kay Yahweh. Ang Capernaum naman ay ang bayang tinuluyan ni Jesus nang siya’y tanggihan ng mga mismong kababayan niya sa Nazaret. Ang mga bayan ng Corazin, Betsaida at Capernaum ang binalaan ni Jesus sapagkat tinanggihan nila ang Kanyang mga turo.

Lahat ng tao, mga bayan o mga bansa, mga pamahalaan at mga institusyon ay mahuhusgahan din ayon sa kung ang mga ito ay nakinig at sumunod, o hindi, sa kalooban ng Diyos. At sa dami ng mga biyayang ating natatanggap — maliit man o malaki – mula sa Diyos, handa ba tayong ibalik sa Kanya ang mga pagpapala sa pamamagitan ng ating pakikibahagi sa iba ng kabutihan, katarungan, pag-asa at kapayapaan?

Show comments