Mapanlinlang

SI Raffy ay Municipal Engineer sa kanilang bayan. Matapos ang 1998 elections, sinabi sa kanya ng bagong Mayor na magbitiw na lang siya sa puwesto dahil bubuwagin na ang puwesto niya. Si Raffy kasi ay sumuporta sa kalaban ng mayor. Kinausap ni Raffy ang mayor at verbal na sinabi dito na lilipat na lang siya sa Provincial Engineer’s Office. Humingi pa siya ng rekomendasyon sa Mayor. Pumayag ang mayor at pinagawa na sa kanya ang Form 212 at iba pang papeles para sa puwestong assistant provincial Engineer.

Noong August 12, 1998, sinulatan siya ni Mayor at sinabi sa kanya na ibinigay ang kanyang kahilingang lumipat sa loob ng 30 araw. Sa nasabing sulat inabisuhan din si Raffy na ayon sa Civil Service memorandum 38 S. 1993, kung hindi siya makalipat sa loob ng 30 araw, siya ay tinuturing na nagbitiw na sa puwesto at ang pagbalik niya at nasa pagpasya na lang ni Mayor.

Nanatili si Raffy sa kanyang puwesto habang wala pang bagong appointment sa Provincial Engineer’s Office. Pagkaraan ng 30 araw na hindi pa rin lumalabas ang bago niyang appointment, inabisuhan na siya ni Mayor na siya ay tinuturing nang nagbitiw sa puwesto dahil hindi siya humingi ng palugit. Bilang tugon, sumulat si Raffy at sinabing dahil hindi naman naigawad ang kahilingan niyang mailipat, siya ay nanatiling municipal engineer. Tugon naman ni Mayor, hindi naman niya tinanggal si Raffy sa puwesto. Naputol ang empleo niya ayun sa CSC MC 38 S. 1993. Tama ba si Mayor?

MALI.
Ang CSC 38 S. 1993 ay nangailangan ng nakasulat at hindi berbal na kahilingan ng paglipat. Dito, hindi nakasulat ang hiling ni Raffy na malipat sa Provincial Engineer’s Office. Ayaw niyang mawalan ng trabaho habang hindi pa inaaprubahan ng gobernador ang paglipat niya. Kailangan din na ang kahilingang paglipat ay tiyak at malinaw hindi pahiwatig lang. Kailangang ito ay kusa at hindi dinaan sa pananakot, pamumuwersa at panlilinlang. Dito sa kaso, pinilit lang si Raffy dahil alam ni Mayor na sinuportahan niya ang kalaban nito. Kailangan din na pumayag siyang ilipat at siya mismo ang humiling. Dito, malinaw na hindi kusang hiniling ni Raffy na ilipat siya. Ang ginawa ni Mayor ay isang panlilinlang lamang para mapatalsik si Raffy (Rosales vs. Mijares G.R. 154095).

Show comments