EDITORYAL – Kawawang DepEd!

ISA sa mga kawawang departamento ng pamahalaan sa kasalukuyan ay ang Department of Education (DepEd). Sunud-sunod ang mga masasamang nangyayari sa nasabing departamento mula pa noong 2004. Kawawa talaga. Dalawang secretary ng DepEd ang magkasunod na nagresign, una ay ang namayapang senador Raul Roco at noong nakaraang July ay si Florencio Abad na sumama sa "Hyatt 10". Kawawa ang DepEd sapagkat hanggang ngayon ay walang matawag na secretary. Tanging officer-in-charge lamang ang inilagay ni President Arroyo sa katauhan ni Undersecretary Fe Hidalgo. At hindi kayo maniniwala na may kasalo pa si Hidalgo sa pagiging Usec sa katauhan naman ni Juan Miguel Luz. Ano ba ito? Talaga bang kinakawawa na ang DepEd at maski ang pagpili sa magiging pinuno ng DepEd ay hindi mapagpasyahan? O nagpapatuloy pa rin ang bata-bata system sa departamento kung sino ang ilalagay? O napasok na ng pulitika kaya walang direksiyon?

Kapwa mahusay na edukador ang dalawang DepEd Undersecretaries na sina Hidalgo at Luz. Ang nakapagtataka nga lamang ay kung bakit kailangang kumuha pa ng panibagong undersecretary gayong maaari namang pamunuan ito ng dati nang nakaupong si Luz. Bakit pabitin-bitin pa ang pagpili sa bagong DepEd secretary?

At habang tumatagal, lalong lumalalim ang kontrobersiya sa DepEd. Tinerminate na si Luz bilang Usec. Pinadalhan ng Malacanang si Luz ng isang sulat na sinasabing terminate na siya pero ang nakapagtataka ayon kay Luz, hindi isinaad sa sulat ang dahilan kung bakit siya tinerminate. Ayon kay Luz, nakasaad lamang sa sulat na hindi na siya konektado sa gobyerno. Hindi aniya tama iyon sapagkat ayon sa Civil Service Commission (CSC) at Career Executive Service Board (CESB), siya bilang executive officer ay hindi basta maaaring tanggalin sa puwesto nang walang dahilan. At ayon pa sa Usec, maski ang CSC ay nagtataka sa pagkakaterminate niya. Wala ring makitang dahilan ang CSC kung bakit siya tinerminate. Sabi pa ni Luz, lalabanan niya ang ginawang pagterminate sa kanya.

Kawawang DepEd! Wala na ngang permanen-teng secretary ay punumpuno pa ng kontrobersiya. Sa aming palagay, pinasok na ng anay-pulitika ang DepEd. Si Luz ay kapatid ng businessman na si Guillermo Luz na humiling na magresign si Mrs. Arroyo sa puwesto. Mayroon din daw hindi pinirmahang mga tseke si Luz para sa scholarship program ng isang mambabatas mula sa Zambales.

Kawawang DepEd! Napasok na ng anay-pulitika.

Show comments