Dinismis na apela

IDINEMANDA ni Lito sina Bobby at Tito ng frustrated murder. Matapos ang imbestigasyon, si Tito lang ang sinakdal ng piskal. Inapela ni Lito sa Dapartment of Justice (DOJ) ang pasya ng piskal. At ayon nga sa DOJ, dapat ngang isakdal din si Bobby ng frustrated murder. Ngunit dahil naisampa na ang sakdal laban kay Tito sa Regional Trial Court (RTC) Branch 57 at ito’y nililitis na, hindi na naisali pa si Bobby sa nasabing sakdal. Kaya hiwalay na sakdal na frustrated murder ang sinampa laban kay Bobby sa RTC Branch 152. Pinalipat naman ng Huwes ng Branch 152 sa Branch 57 ang kaso upang sabay litisin ang dalawa sa parehong krimen. Ngunit dinismis ng RTC Branch 57 ang sakdal laban kay Bobby dahil pinagbabawal daw ang pagsasampa ng kaso sa ibang hukuman habang kasalukuyang dinidinig ang nabanggit na kaso sa isang forum at nauukol sa parehong mga isyu sa usapin, o tinatawag na "forum shopping".

Pinaalam at hiniling ni Lito sa taga-usig na iapela ang desisyon ng RTC Br. 57 dahil nasa kontrol at direksiyon nito ang kaso. Pinagpasa-pasahan ang kahilingan at masugid na pagtunton ni Lito sa mga taga-usig hanggang naatrasado ng isang araw ang pag-aapela. Isinampa lang ang abiso ng pag-apela sa RTC Br. 57 noong December 19, 1996 samantalang dapat isinampa ito noong December 18, 1996. Kaya dinismis din ng RTC Br. 57 ang apelasyon ni Lito. Tama ba ang pagdismis sa apelasyon ni Lito?

Mali.
Mapapatawad ang isang araw na pagkaantala sa pagbibigay abiso sa pag-apela dahil masugid naman si Lito sa kanyang intensyong iapela ito. Hindi niya kasalanan ang pagkaantala. Sinalang-alang niya ang kapangyarihan ng taga-usig na may kontrol sa kaso. Ang tag-usig lang ang hindi agad kumilos. Hindi dapat si Lito ang parusahan dahil sa mabagal na pagkilos ng taga-usig. Hindi mapapayagang mawalan ng karapatan madinig ang isang tao sa apelasyon dahil lang sa kabagalan ng taga-usig. Higit na mapaglilingkuran ang kapakanan ng hustisya kung ang kaso ay mapapasiyahan sa pamamagitan ng pagdinig dito sa halip na idismis ito dahil sa teknikalidad. (Remulla vs. Manlongat, G.R. 148189, November 11, 2004)

Show comments