Ang pagkasira ng ozone layer ay isa sa mga mabibigat na problemang pangkalikasan na ating kinakaharap, kung kaya naman, alinsunod sa Montreal Protocol, patuloy ang ating pamahalaan sa pagpupunyagi sa pagbabawal, paglilimita, at pagre-regulate ng paggamit ng mga ozone-depleting substances (ODS) na mayroong chlorofluorocarbon (CFC). Ang ODS ay mga elementong nakakapagpanipis ng ating ozone layer na maaaring magdulot ng pagkasira ng mga panamin, malnutrisyon, pagkahina ng resistensiya, kanser sa balat, katarata at pagkasira ng paningin, bukod pa sa malawakang polusyon.
Dahil dito, apat na programa ang ipinapatupad ng Department of Environment and Natural Resources, sa pamamagitan ng Philippine Ozone Desk (POD). Kabilang sa mga programa ang Institutional Strengthening Project (ISP), na nagpapalakas at nagbibigay ng kaukulang suporta sa mga institusyong direktang kabahagi sa operasyon ng POD; Customs Training Project, kung saan pinagsanay ng POD at binigyan ng kaukulang equipment ang Bureau of Customs upang mas maisaayos ang kanilang kakayahan sa pag-regulate ng pagpasok sa bansa ng mga ODS.
Ikatlo naman sa mga programa ng POD ang National Methyl Bromide Phase-out Strategy, na layunin ang dahan-dahang pagbawas, hanggang sa tuluyang mawala, ang paggamit ng Methyl Bromide (MB), na karaniwang gamit bilang pestisidyo at pataba sa lupa. Ang National CFC Phase-out Plan Project (NCPP) naman ang pinakamalaking proyekto ng POD na naglalayong i-phase out ang natitirang paggamit ng mga CFC sa bansa, alinsunod sa phase-out schedule na itinalaga ng Montreal Protocol.