Kung hindi sa mga taong nagpunyagi, patuloy na nakibaka at ang maraming naglaan ng kanilang buhay laban sa batas militar at rehimen ng diktadurya, marahil ay wala pa tayong tinatamasang kalayaan at demokrasya sa ngayon. Ang ilan sa mga taong ito na naglaan ng kanilang buhay ay mga kilala, ngunit libu-libo rin ay hindi mga kilala, ngunit kasing mapanindigan, hindi matatawaran ang pagkamakabayan, ng mga taong ngayoy itinuturing na mga bayani. Isa na rito ang pinagpipitaganang si Haydee Yorac.
Sa kasalukuyan, alam natin at ating nararanasan na malayo pa tayo sa tunay na buod ng kapayapaan. Pagkat ang kahulugan ng kapayapaan ay hindi lamang ang kawalan ng digmaan o tunggalian o labanan. Ito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng katiwasayan sa ugnayan ng mga tao sa kapwa tao, bansa sa kapwa bansa, tao sa kalikasan, sangkatauhan sa Tagapaglikha nito. Nangangahulugan din ito ng pagkakaroon ng panlipunang at pangkabuhayang katarungan. Samakatwid, pagkakaroon ng pagbabahaginan sa yaman, talino, oportunidad at mga serbisyo.
Sa harap ng karukhaan, mahirap magkaroon ng kapayapaan. Sa harap ng mga patayan, krimen (maliit man o malaki), kabulukan, pagnanakaw, pang-aalipusta, mahirap magkaroon ng kapayapaan. Datapwat sa harap din ng mga ganitong negatibong kalagayan, bawat isa sa atin ay maaaring makapagpairal at maisabuhay ang mga gawaing pangkapayapaan, kahit na sa mga mumunting paraan: Di pagkakalat sa lansangan, pagbibigayan at pagsunod sa mga alituntunin sa daloy ng trapiko, pagiging magalang sa bawat isa (mahirap man o mayaman), pakikisangkot at pakikilahok sa mga pangyayari sa kalakaran ng ating pamayanan at bayan, pagpapalaki ng tama at wasto sa mga anak, bata at kabataan, at marami pang iba.
Kung tutuusin, ang kapayapaan ay hindi lamang para sa isang araw lamang. Ito ay isang panghabang-buhay na gawain at pamumuhay. Huwag sana nating kalilimutan na ang tunay na kapayapaan ay di-makakamtan kung hindi nakaugat ang ating pamumuhay sa Diyos na lumikha sa atin, at sa pagpapahalaga sa ating kapwa.