Treasure hunting ni Adm. Carlos may go signal ni Gosingan?

GINAGAMIT daw ng ilang tiwaling opisyal ng Coast Guard ang kanilang kagamitan pa lang sa treasure hunting sa Subic at sa Manila Bay. At kung paniniwalaan ang sumbong ng mga concerned Coast Guard employees sa Ombudsman, si Rear Adm. Damian Carlos, hepe ng operating forces ang nasa likod nito. Dahil abala siya sa treasure hunting, si Carlos pala ay halos dalawang beses lang kada linggo kung sumipot sa opisina niya. At kung magpakita man, tig-dalawang oras din siyang namamalagi doon. Siyempre, nakatutok si Carlos sa pagrekober ng mga gold bars sa breakwater ng South Harbor. Ang ginagamit ni Carlos sa kanyang treasure hunting ay ang patrol craft 310 at iba pa, ayon sa sumbong. Kasama na riyan ang isang fishing boat na FB Baron Tan, na dinadalhan ng PCF 310 ng mga taong kinakailangan sa treasure hunting. Naniniwala ang mga concerned employees ng Coast Guard na may go signal ng hepe nilang si Admiral Arthur Gosingan ang treasure hunting ni Carlos dahil sa pananahimik nito sa problemang dulot nito, he-he-he! Mukhang nagkabukuhan na ah!

Ang mga kasama pala ni Carlos sa treasure hunting niya ay si Capt. Willy Yee ng CIDG at isa pang opisyal ng PNP at si Sultan Ranjit. At ang tropa pala ni Carlos ay armado ng mapa at diary ng Kano na si Allen Wright ukol sa kinaroroonan ng ginto sa breakwater bago pa lumusob ang mga Hapones sa Pilipinas. Si Ranjit na anak ng isang Bombay ay may hawak ng mapa at diary dahil kaibigan ng tiyahin niya si Wright. Ang tanong lang ng mga nagrereklamong Coast Guard personnel, paano kung may namatay na diver nila sa site? Puwede bang sabihin itong in line of duty at makukuha nila ang benefits nila? Kung may makuha mang ginto roon, di ba dapat sa gobyerno ito mapupunta? At bakit hindi nakikialam ang Philippine Port Authority (PPA) sa treasure hunting eh maliwanag na nakakasagabal sila sa mga barkong labas-masok sa South Harbor? He-he-he! Hindi kayang sagutin ang mga tanong na ’yan ni Adm. Gosingan kaya tahimik lang siya, di ba mga suki?

Ito palang si Carlos ay nag-aambisyon din na maging Coast Guard commandant. At ang nilalapitan niya sa ngayon para maisakatuparan ang pangarap niya ay si Tom Lantion sa DOTC. Mga smugglers nga at mga tulisan sa dagat eh walang nahuhuli si Carlos paano siya magiging epektibo sa Coast Guard! Kawawang Pilipinas!

May dagdag pang reklamo ang mga Coast Guard personnel sa isa pang opisyal na si Cdr. Joel Garcia. Maliban sa pagkakitaan sa uniporme, ito palang si Garcia ay may eskuwelahan sa Cubao, Quezon City kung saan ang mga draftee ng Coast Guard ang nagtuturo during office hours. Ang dalawa sa kanila ay sina Rhea Lorenzo na Commerce graduate at Rowena Geronimo na nagtapos naman ng management.

Ang image projector ng Coast Guard ay hiniram umano ni Garcia at doon na ginagamit sa eskuwelahan niya. Ano na kaya ang mangyayari sa Coast Guard kung panay negosyo na lang ang inaatupag ng kanilang mga opisyal?

Abangan!

Show comments