Hanapin ang tamang daan

ANUMANG pagpipilit nating ayusin ang mga bagay- bagay sa ating buhay, minsan — kundi man kadalasan — ay hindi rin natin nakakamit ang mga gustong mangyari. Naitatanong natin tuloy sa sarili: Saan ako nagkamali? Ano ang hindi ko nagawa? Bakit hindi nangyari ang gusto ko? At kung minsan naman, ibang tao o di kaya’y ang sitwasyon ang sinisisi natin.

Kung wala naman tayong masisi – ibang tao man o ang atin mismong sarili – tayo’y nauunsiyami. At sa ating pagkaunsiyami, minsan pati ang Diyos ang ating pinagbabalingan: Bakit hindi N’yo ako tinulungan? Nagdarasal naman ako, pero bakit N’yo ko pinabayaan? Bakit hinayaan Mong mangyari ito?

Sa unang pagbasa sa liturhiya ngayong Linggo, tinuturuan tayo nang tamang pagtanaw sa mga bagay-bagay (Is. 55:6-9).

Hanapin si Yahweh samantalang siya’y iyong makikita, siya ay tawagin habang malapit pa. Ang mga gawain ng taong masama’y dapat nang talikdan, at ang mga liko’y dapat magbago na ng maling isi-pan; sila’y manumbalik, lumapit kay Yahweh upang kahabagan, at mula sa Diyos matatamo nila ang kapatawaran.

Ang sabi ni Yahweh: "Ang aking isipa’y hindi ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala."


Kundi nanaisin ng Diyos, anumang pagpaplano natin ay hindi matutupad. Ang malaking aral sa atin ay: Isangguni at ilahad sa Panginoon ang lahat ng ating mga balakin, at hayaang siyang magsakatuparan nito. At upang maging marapat tayo sa kanyang pagpapala, kailangan ang ating pamumuhay ay matuwid, upang tayo’y kanyang kalugdan at pagpalain ang ating mga balakin.

Show comments