Hindi nagtagal, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon. Nangangaral siya at nagtuturo ng Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Kasama niya ang 12 alagad, at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at mga karamdaman: Si Maria na tinatawag na Magdalena (mula sa kanyay pitong demonyo ang pinalayas); si Juanang asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes; si Susana at marami pang iba. Ang ari-arian nila ang itinustos nila sa pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.
Samakatwid, sa pagmimisyon mismo ni Jesus, nandoon ang mga kababaihan. Silay nakibahagi sa pangangaral at pagtuturo ni Jesus hinggil sa paghahari ng Diyos. Ibinahagi rin ng mga kababaihan ang anumang yamang mayroon sila upang may maitustos sa mga pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.
Ang mga kababaihan ay nakibahagi rin sa simple at payak na pamumuhay ni Jesus hanggang sa itoy dumaan sa kanyang paghihirap at kamatayan. At kahit na sa pagkabuhay niyang muli, si Jesus ay unang napakita sa isang babae kay Maria Magdalena, na siyang inutusan ni Jesus upang ipamalita sa kanyang mga alagad ang tungkol sa pagkabuhay na mag-uli.
Kahit ngayon, ang mga kababaihan sa ibat ibang dako ng mundo ay nagmimisyon upang lumaganap ang paghahari ng Diyos. Huwag na tayong lumayo. Limiin na lamang natin ang papel na ginagampanan ng ating mga kababaihang overseas workers. Di bat marami na tayong naririnig na kuwento na ang mga Filipina na nag-aalaga ng mga anak ng kanilang dayuhang amo ay tinuturuan nilang magdasal?