Laking gulat na lang ng Presidente ng NBS nang nilapitan siya ni Emilia Manalo at pinagbibili sa kanya ang lupang titulado na sa NBS. May pinakita si Emilia na ibang titulo (TCT No. 103022) sa pangalan niya. Lumalabas na ito ay isang titulong binuo muli noong November 9, 1994 kapalit ng TCT 179854 na narehistro noong August 25, 1972 ngunit umanoy nasunog noong June 11, 1988 nang matupok ang Q.C. Hall.
Noong February 28, 1996, nagfile ang NBS sa Regional Trial Court ng paglilinaw ng titulo laban kay Emilia. Samantalang dinidinig ang kaso, binawi naman ng Land Registration Authority ang titulong binuo ni Emilia dahil hindi ito dapat kasama sa mga binuo muli. Sa kabila nito nagdesisyon pa rin ang RTC pabor kay Emilia. Ayon sa RTC ang titulong muling binuo ni Emilia ay narehistro noong Aug. 25, 1972 pa kaya noong nabili ng NBS ang lupa noong May 23, 1983, may babala na ito tungkol sa titulo ng lupa. Tama ba ang RTC?
MALI. Binubuo muli ang isang titulo kung walang ibang titulo na nasa record ng Register of Deeds. Dito sa kaso, may ibang titulo na nasa file ng Register of Deeds. Ito nga ang TCT No. 300861 sa ngalan ng NBS na hindi naman nasunog nang matupok ang Q.C. Hall nang June 11, 1988. Malinaw sa records ang pinanggalingan ng TCT 300861 mula pa sa orihinal na na-isyu noong October 3, 1927 pa hanggang sa pagkakabili ng NBS. Dokumentado lahat ang mga salinan ng nasabing titulo. At magmula nang matituluhan ito ng NBS sila na ang nakaokupa at nagbabayad ng buwis.
Sa kabilang dako wala namang mapakita si Emilia kundi yung titulo niyang binuong muli at ang tax declaration ng katabing lupa na kinumpiska pa nga ng gobyerno. (Encinas and Balboa vs. National Book Store G.R. 162704 November 19, 2004).