Mga kabalat ni Peter Guevarra, tinututukan na ng BITAG!

MATAPOS mahulog sa patibong ng BITAG at NBI-NCR ang utak ng pinakamalaking sindikato ng pekeng gamot sa Luzon na si Peter Guevarra, agad namang nag-usbungan ang kanyang kabalat sa iba’t ibang lugar partikular sa malalayong probinsya.

Una sa aming listahan ang kapatid at bayaw ni Peter Guevarra na nakabase sa Quezon province. Matapos malaman ang pagkakahuli kay Guevarra, biglang arangkada ang negosyo nito sa nasabing probinsya sa pag-aakalang si Guevarra lamang ang aming puntirya.

Mula Quezon province hanggang Surigao ang kanilang area of operation. Tulad kay Guevarra, mga recycled na expired at pekeng gamot ang kanilang ipinapakalat sa maliliit na botika at mga private clinic.

Pangalawa ang mag-asawang Alimagno ng San Pablo, Laguna na ilang beses na ring nasakote ng CIDG. Malakas ang loob at nakuha pang magbanggit ng pangalan ng kanilang protektor ang mga putok sa buhong ito.

Ang akala siguro, "untouchable" sila dahil patuloy silang nakakalusot sa kanilang bulok na modus.

Ganito rin ang paniniwala ni Peter Guevarra bago siya masakote ng BITAG at NBI-NCR. Pero ngayon, hindi na mahagilap si Guevarra at patuloy na nagtatago. Ayon pa sa aming mga undercover, ‘yung mga maliit na galamay na lamang ni Peter Guevarra ang nagpapatuloy ng kanyang iniwang negosyo sa Pampanga at Nueva Ecija.

Sa mga sindikatong kabalat ni Peter Guevarra sa pagpapakalat ng mga pekeng gamot, mag-ingat kayo. Kalat ang aming mga undercover saan mang probinsya kayo magtago. Alam namin ang bawat kilos at galaw ng inyong sindikato.

Kung gaano kadaling mahulog sa aming patibong si Peter Guevarra, walang kahirap-hirap din namin kayong susungkitin sa inyong mga lungga. Patuloy kaming nakatutok sa inyo hangga’t hindi kayo tumitigil sa inyong bulok na modus.

Show comments