Ang methampetamine hydrochloride o ang kilala sa tawag na shabu ang pinaka-popular ngayon subalit naglilitawan na rin ang iba pang illegal na droga gaya ng ecstacy at ketamine. Marami nang sugapa sa shabu at walang matibay na aksiyon ang gobyerno para madurog ang sindikato ng droga. Maraming utak na ang pinasukan ng demonyo sa kasalukuyan at kung anu-anong kasamaan ang ginagawa.
Katulad nang nangyari sa Navotas noong Miyerkules nang isang apat na anyos na batang babae ang pagsasaksakin ng isang drug addict. Bukod sa 61 saksak, hiniwa pa ng addict ang dila ng bata. Nakaligtas naman ang bata sa kamatayan kahit maraming tinamong saksak. Ayon sa ina ng bata, lumabas ng bahay ang kanyang anak para maglaro. Nakita ito ng addict at pinagtripan. Natagpuan na lamang na duguan ang bata at nakahandusay. Wala na ang nagtrip na addict. Hinahanap pa siya ng mga pulis sa kasalukuyan.
Ang problema sa droga sa bansang ito ay nakaaalarma na at dapat gawing prayoridad ng pamahalaan. Ngayong natapos na ang kontrobersiyal na impeachment case laban kay President Arroyo, ang problema naman sa illegal drugs ang dapat atupagin. Magdeklara ng totoong pakikipaglaban sa mga sindi-kato ng droga at hindi pawang pagbabanta lamang.
Sa kabila naman na sunud-sunod ang pagsalakay sa shabu laboratories, nakapagtataka na lalo pang lumalala ang problema sa illegal drugs. Hindi lamang mga kabataan ang nagiging adik kundi pati na mga propesyonal, kabilang ang mga artista, basketball players at pati mga pulis. May mga miyembro ng PNP na bukod sa user ay protector pa rin ng mga drug lord.
Ang kalambutan ng gobyernong Arroyo sa pagpapatupad ng parusang kamatayan ay isa sa mga dahilan kung bakit malakas ang loob ng mga nagtutulak ng shabu. Wala na silang kinatatakutan.
Ang problema sa illegal drugs ay nangangailangan ng seryosong atensiyon. Ngipin sa ngipin ang nararapat sa mga drug lords.