Naghihinala ang ilang oposisyunista na baka ang dating pangulo mismo ang nag-udyok sa kanyang mga kaalyado na mag-abstain. Malamang daw na nagkaroon ng "secret deal" si Erap sa Malacañang para mapagaan ang kanyang house arrest at maging city arrest. Magiging maluwag-luwag ang mundong kanyang gagalawan pag nagkataon. Pati si Rep. Imee Marcos ay pinagdududahan porke hindi rin sumipot sa botohan ng plenario. May secret deal din daw para mabigyan ng "heros burial" ang tatay niyang si yumaong ex-president Ferdinand Marcos. And what do we expect from all sides but denial? Kung ano ang totoo, sila-sila na lang ang nagkakaalaman. Pero hindi maiiwasang maghinala ang tao. Natural ang mga ganyang operasyon sa daigdig ng pulitika.
Sa pulitika, may mga tinatawag na horse trading o compromises para masilbihan ang interes ng concerned parties. Wala ring tunay na kaibigan sa larangang ito. Kahit magkakadugo ay maaaring nagpapatayan nang dahil dito. Sabi nga ng Kano, "there are no permanent friends in politics but only permanent interest." Tingnan nyo ang nangyari kay dating Maguindanao Rep. Digs Dilangalen, a.k.a Mr. "Shut-up". Siya ang pinakamatinding nagtangggol kay Joseph Estrada sa kainitan ng impeachment laban sa dating pangulo maraming taon na ang nakalilipas.
Nang mapatalsik sa poder si Estrada, si Dilangalen pa rin ang nagsilbing spokesman nito kahimat naka-house arrest ang una dahil sa kasong plunder. Naging "magkaibigang karnal" na hindi kayang papaghiwalayin ng ano mang unos. Ngunit dahil nag-abstain ang kanyang asawang si Maguindanao Rep. Bai-Sendig Dilangalen sa ginanap na botohan sa impeachment laban kay Presidente Arroyo, talsik sa kanyang pagiging Erap spokesman si Digs. Si Mrs. Dilangalen ay isa sa maraming kaalyado si Erap sa Kamara de Representante na nag-abstain. Kung ano ang tunay na dahilan ay sila lamang ang nakaaalam.
Sabi ng barbero kong si Mang Gustin, "ano iyan palabas? Para palitawing pinagtraydoran si Erap ng kaalyado at pagtakpan ang secret deal?"
Dahil sa pagkadismaya ng oposisyon sa iba nilang kasamahan na tila pumanig sa kalaban, magsasagawa diumano ng loyalty check ang liderato nito sa mga kasapi ng minorya. Loyalty? I really doubt if such virtue exists in politics. Matagal na tayong tagapagmasid sa pulitika sa Pilipinas at ang katapatang nakikita natin sa maraming pulitiko ay yung para lamang sa sariling interes. Kung anong partido ang makatutugon sa kanilang pita at layaw, dun sila. Mistula silang paruparong palukso-lukso sa iba-ibang bulaklak. Pulitika? Pweh-lintik-kah!