Habang hindi tumitigil ang sigalot na ito, hindi makagagalaw ang gobyerno para resolbahin ang mga mabibigat na isyu tulad ng walang habas na pagtaas sa presyo ng langis na nakapeperhuwisyo lalu na sa mga maliliit na mamamayan.
Sabi ng iba, duda man tayo sa integridad ng Pangulo, sa panahong itoy dapat munang isaisantabi ang hidwaang pampulitika at bigyan siya ng pagkakataong lutasin ang mga problemang pambansa. "Ilegal" man ang tingin ng iba sa kanyang pamumuno, siya ang nakaupo. Sana ngay magkaisa na ang lahat ng sektor sa politika at ibigay ang suporta sa Pangulo alang-alang sa bayan. Pero its easier said than done. Iba-iba ang pananaw ng tao lalu na yung mga naniniwalang nagkasala ang Pangulo. Para sa kanila, ang tanging solusyon sa krisis ay ang pagpapatalsik sa Pangulo.
Nang lumagda sa impeachment complaint si Alliance of Volunteer Educators party-list representative Eulogio "Amang" Magsaysay katakut-takot na puri ang tinanggap niya sa oposisyon. Pero nang mag-urong siya ng pirma dahil napagtantong kapakanan muna ng bansa ang dapat unahin, batikos naman ang kanyang inabot. Wala tayo sa posisyong humusga sa Mambabatas na ito. Kung minsan, natatanto natin matapos ang masusing pag-iisip na mali tayo sa unang desisyon. Walang masama kung magbago man ang ating pasya. Sabi nga sa wikang Inggles "only fools dont change their minds." Katunayan, tumanggap ng overwhelming support si Magsaysay mula sa kanyang constituents sa larangan ng edukasyon.
Ayon Kay Dr. Eldigario Gonzales, pangulo ng Philippine Association of State Universities and Colleges, matapang na desisyon ang ginawa ni Magsaysay na sumasalamin sa kanyang paninindigan na makasasama sa ekonomiya ang ano mang tangkang patalsikin ang Pangulo sa panahong ito ng krisis.
Ngayoy nagbabanta pa ang oposisyon ng matinding mass action. Napapanahon bang magkawatak-watak ang mga namumuno sa bansa sa panahong ito ng krisis?