BUKOD sa dengue, nagbabala ang Department of Health (DOH) na dapat mag-ingat din sa leptospirosis lalot madalas ang pag-ulan na nagdudulot ng baha. Para sa mga hindi gaanong nakababatid ang leptospirosis ay isang karamdaman na buhat sa ihi ng daga na nahahalo sa tubig-baha.
Ang mga sintomas ng leptospirosis ay ang pananakit ng likod, hita at kalamnan. Sumasakit din ang ulo at sikmura na nauuwi sa pagsusuka, nilalagnat at may mga rashes at nagkakapantal-pantal ang balat.
Nanawagan si DOH Secretary Francisco Duque III na hanggat maaari ay iwasang magtampisaw sa tubig-baha. Sinabi pa ni Duque na magsuot ng guwantes at botas kapag naglulunoy sa tubig-baha. Delikado na mabasa ang sugat sa paa at sa alinmang parte ng katawan.
Umaabot sa tatlong linggo ang gamutan sa mga tinamaan ng leptospirosis at may mga naiulat na ring kaso ng mga namatay sa sakit na ito. Nakikiisa ang BANTAY KAPWA sa pagpapaala-ala sa taumbayan para maiwasan ang leptospirosis.