Ilan sa mga kongresistang nakausap ko ay umaangal na parang nagmamalaki pa na hindi na sila makabisita sa kani-kanilang distrito dahil sa mga miting na kinakailangan nilang daluhan upang huwag mapag-suspetsahang bumabaligtad na sa kabilang partido.
Humihigpit ngayon ang hatakan upang makakuha ng mga sasapi sa kanilang panig. Marami na ang umatras sa paghahain ng impeachment complaint laban kay GMA. Mayroon ding mga kongresista na kaalyado ni GMA na sumama sa oposisyon at pumirma sa complaint. Naghihigpitan na ngayon at todo bantay para hindi makahulagpos ang kanilang kapanalig.
Maliban sa ilan nang umalis sa kampo ni GMA, nababalitang magiging pro-impeachment na rin si Manila Rep. Rodolfo Bacani at si Las Piñas Rep. Cynthia Villar. Dramatiko namang nagpahayag ng kanyang suporta si Marinduque Rep. Edmundo Reyes na ang pamilya ay isa sa mga malapit na kaalyado ng Presidente. Kung ganito ang nangyayari sa kanyang kampo, totoo nga siguro ang balita na hindi na makapagtutulog si GMA at ang kanyang mga tauhan. Abangan natin kung gaano kalapit na para maabot ng oposisyon ang target na 79 para ma-impeach si GMA.