EDITORYAL - Mga bastos na tabloids nagkalat na naman

HINDI lamang ang problema sa cybersex ang nakaaalarma ngayon kundi pati na rin ang pagkalat ng mga bastos na tabloids. Namumutiktik sa mga malalaswang tabloids ang mga bangketa at pati ang mga itinitinda ng newsboys sa kalsada. Kabilang sa mga bastos na tabloids ang Sagad, Bugso, Hiyas at maraming iba pa. Wala nang kinatatakutan ang mga nagbebenta ng mga bastos na tabloids. Maski sa mga pulis ay hindi sila natatakot. Hindi naman sila huhulihin. Paano huhulihin gayong ang mga pulis pala ang nagpapabenta sa kanila?

Marami nang nakakaligtaan ang gobyerno at kabilang diyan ang paglaganap ng mga malalaswang tabloids. Nakatuon ang atensiyon ng pamahalaan kung paano sasanggahin ang inihahaing impeachment. Ganyan din naman ang mga kongresista at senador. Mula pa noong mabulgar ang na-wiretapped na usapan ni President Arroyo at isang Comelec official masyado nang naagaw ang kanilang pansin at wala nang maipagkaloob sa mamamayang sagad na sa kahirapan ng buhay.

Wala nang kampanya ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga malalaswang tabloids. Nag-ningas-kugon na naman ba? Kailangan pa bang kantiin para makita ang katotohanang talamak ang pagbebenta ng mga tabloids na pawang kalaswaan at kamunduhan ang mababasa at makikita. Matagal nang inirereklamo ang tabloid na Sagad dahil sagad na sagad sa kabastusan at kababuyan ang nilalaman pero walang mga awtoridad na kumikilos.

Nagkaroon ng kampanya noon si dating PNP chief Dir. Gen. Edgardo Aglipay at ni-raid ang mga publikasyon na naglalathala ng mga bastos na tabloids. Pero nang magretiro si Aglipay, kasama ring nagretiro ang kampanya laban sa mga malalaswang tabloids. Ang humaliling PNP chief sa katauhan ni Dir. Gen. Arturo Lomibao ay walang sigasig para punitin ang mga malalaswang tabloids. Abala ba si Lomibao para protektahan si President Arroyo kaya maski ang pagkalat ng mga bastos na babasahin ay hindi maasikaso? Ngayon ay lalo pang dumami ang mga malalaswang babasahin. Lantaran nang nakabuyangyang sa mga sidewalks at nakikita ng mga nagdadaang estudyante. Inilalako ng mga newsboy sa kalsada. Maraming itinitindang bastos na Sagad sa kahabaan ng A. Bonifacio St. sa Quezon City.

Nakaaalarma na ang pagkalat ng mga bastos na tabloids. Isa ito sa itinuturong dahilan kung kaya maraming rape cases ang nagaganap. Maraming pinapasukan ng demonyo sa utak.

Durugin ang publisher ng mga malalaswang tabloids. Malaki ang maitutulong ng mamamayan para lubusang mawalis ang mga bastos na tabloids.

Show comments