Maiiwasan ang baha, kung malilinis ang estero

(Huling Bahagi)

HINDI PA TAPOS ANG LABAN Ni Sec. Mike Defensor

BUKOD dito, isang programa ang kasalukuyang isinusulong ng DENR, kabalikat ang Sagip Pasig Movement, at ang mga pamilihang bayan sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa katunayan, nitong nakaraang Lunes ay isinagawa ang pagpupulong ng mga siyudad at munisipyo, administrador at mga opisyal ng mga vendors’ associations sa iba’t ibang pamilihang bayan sa kalakhang Maynila, bilang suporta sa programang ‘‘Bawas Balot, Bawas Basura Para sa Malinis na Estero.’’ Kabilang dito ang Agora Market, Paco Market, Padre Rada sa Asuncion Talipapa, Wagas Market, L&Y Pamilihan, Inc., Quinta Market, Kamuning Market, Pritil Market, Bambang Market, Sta. Ana Market, Aranque Market, Obrero at Antipolo Market, Murphy Market, Dapitan Talipapa, Gagalangin Public Market, Guadalupe Commercial Market, at Poblacion Market.

Layunin ng programang ito ang mabawasan ang basurang bumabara sa mga estero sa pamamagitan ng pagbawas sa mga plastik na ginagamit sa mga pinamimili natin. Kailangan na ring magbalik-bayong at basket, sa pamamalengke natin. Puspusan din ang ginagawang kampanya para sa pagli-‘‘Linis Estero,’’ una na sa Maytunas Creek sa Mandaluyong, sa San Juan River, at sa Dario Creek sa Quezon City. Nilalayon din ng programa na mapalaganap ang naturang gawain sa karatig-pook ng Maynila, Pasig, at Pasay.

Bilang mga mamamayan marami tayong maaaring itulong sa kampanyang ito. Sa mga simpleng gawain, bata man o matanda, ay maaari nating linisin ang kapaligiran at maiwasan ang pagkumpol ng mga basura sa mga estero’t kanal. Ugaliin nating magtapon ng basura sa basurahan at hindi sa mga daan, kanal at lansangan. Ibukod natin ang mga basura at huwag paghaluin ang mga bulok sa mga di nabubulok. Matuto rin tayong mag-recycle upang mabawasan ang mga basurang pumupunta sa mga disposal facilities.

Sa pag-iwas sa baha, kailangan natin ang disiplina. Sama-sama tayong kumilos, patuloy tayong magmatyag at magbantay sa kapaligiran. Sa sama-sama nating pagkilos, basura natin ay maisasaayos, maging mga estero natin, ay lilinis muli.

Show comments