Kung sino man ang hayupak na ipinagmamalaking "kapit" ni Villanueva at Salonga na isang mataas na opisyal sa Camp Crame, talagang magaling siyang gumawa ng himala.
Pilit na ginapang ang kaso ni Villanueva at Salonga sa TMG-NCR kaya naman himala ring bumalik sa NFA North District Office ang dalawang trak na narekober ng TMG at naka-impound na may kabuuang bilang 356 na sako ng NFA rice.
Pero pagdating sa NFA North District Office, agad namang naisauli sa retailer na si Marlyn Salonga ang mga nakaw na bigas. Ibig sabihin, siguradong diretso itong muli sa mga warehouse na hawak ng sindikatong kartel.
Nasisiguro namin, hindi na ito dadalhin sa JLD warehouse na una ng nahuli ng BITAG. Nasa warehouse ito sa paligid lamang ng INTERCITY sa Bocaue, Bulacan.
Sa pangyayaring ito, bukod sa resulta ng aming surveillance operation kung saan lantarang nakita ang nakawan sa loob ng INTERCITY, napatunayan din namin sa BITAG na talagang talamak ang nakawan ng bigas o diversion sa North District Office patungong INTERCITY sa Bocaue, Bulacan.
Hindi palulusutin ng BITAG ang kalokohang ito sa National Food Authority. Tulad ng nauna naming nabanggit, hayagan kaming nakikipagdeklara ng giyera sa mga sindikatong kartel na kawatan ng bigas ng bayan.
Sinisiguro naming may mananagot sa likod ng himalang ito. Iisa-isahin namin ang personalidad na sangkot. Nakahanda na ang patibong ng aming BITAG.