May kalabuan na maiporma ang pagsasakdal kay GMA sapagkat hindi malaman kung ano ang gagamiting complaint sa tatlong nakasumite ang complaint ni Atty. Oliver Lozano, kay Atty. Jose Lopez o complaint ng oposisyon. Dito pa lang malaking problema na ang idinudulot para sa mga nagsusulong ng impeachment. Kung hindi ito mareresolba, paano maisasakatuparan ang paghaharap ng impeachment case kay GMA.
Problema rin ng mga taga-oposisyon ay kung papaano nila makukuha ang mga kongresista na kaalyado ni GMA para makaipon sila ng 79 na pipirma para ma-impeach ang Presidente. May mga balita na sagana ngayon sa pag-aalaga ang natatamo ng mga kaalyado ni GMA. May mga oposisyon na pumirma na subalit nagbaligtaran naman ang ilan.
Ginaguwardiyahang mabuti ng mga tauhan ni GMA ang kanilang panig upang hindi bumaligtad sapagkat may ilan nang sumama sa oposisyon. Kaya para hindi mabawasan ang kanilang grupo at madagdagan pa ng mga kakampi, binabaha ng grasya ang mga nasa bakuran at mga sasama pa sa administrasyon.