Ayon sa salaysay ni Mendoza, nakita niya ang katotohanan na ginamit talaga ni PGMA si Comelec Commissioner Virgilio Garcillano upang dayain ang nakaraang eleksyon. Naging bodyguard kasi siya ni Garcillano kaya lagi silang magkasama noon, at ang sabi niya nga, kung saan sila pumunta, lumabas na panalo si PGMA kahit siya ay natatalo sa totoo lang.
Marami ang nagtaka kung bakit napasama si Mendoza sa isang anti-jueteng hearing. Sa bandang huli, naging malinaw din na ang nais ng mga senador ay patunayan na ang pera galing sa jueteng ay ginamit para sa eleksyon. Nakalilito nga talaga, dahil jueteng nga talaga ang original purpose ng hearing, kaya lang laging napupunta ang usapan sa eleksyon.
Ito nga kayang si Mendoza ay unang putok lamang ng sunud-sunod na pagbaligtad ng mga sundalo, dahil hindi na nila matiis ang kanilang kaalaman tungkol sa diumanoy pandaraya ni PGMA? Dagdag pa niya, siya ay nagsalita rin alang-alang sa hustisya, kaya baka ang ibig niyang sabihin ay ang hustisya para sa mga ibang kandidato na nanakawan ng boto?
Iba-iba nga siguro ang style ng mga sundalo, kaya ang iba ay gustong magsalita, ang iba naman ay ayaw. Sa ginawa ni Mendoza, napatunayan niya na pwede naman palang mag-salita ang isang sundalo na hindi naman labag sa batas, lalo na kung ang senado pa ang may gusto ng pagdinig. I salute you, Capt. Mendoza!