Dalawang dekada nang palubog ang sistema ng edukasyon. Pero hindi pinapansin ng lipunan o pamunuan. Bago pa man mamuntikan ang fiscal crisis, bago pa man nagtaasan ang presyo ng langis, bago pa man na-expose ang jueteng payolas at "Hello Garci", nilahad na ang nakakakilabot na statistics. Iba pa rin ang inatupag ng mga magulang at politiko.
Kasalanan natin lahat ito: Magulang, Simbahan, negosyante, gobyerno. Nung lumabas na 7,000 lang sa 1.2 milyong Grade 6 graduates ang pumasa sa High School Readiness Test (gradong 75 pataas), naglatag ang DepEd ng isang taong bridge program. Umangal ang mga magulang na kesyo dagdag-gastos lang ito. Ang mga obispong Katoliko, hinaharang ang family planning program para ma-espasyohan ang pag-aanak at maalagaan nang lubos ang mga bata. Ugali ng mga negosyante na dayain ang buwis, kaya kapos ang pantustos sa public schools at mahinang klase ang nakukuhang empleyado. At puro nakawan at away ang inaatupag ng mga nasa gobyerno, imbis na lutasin ang krisis.
Edukasyon ang susi sa pag-angat mula sa kahirapan at kabobohan. Tinatayaan ng mahihirap na magulang ang mga anak para iahon sila. Pero kung wala naman natututunan ang mga ito, hindi makakakuha ng magandang trabaho. Magiging pabigat lang sa tumatandang magulang. At kapag nagkaanak na rin ang mga kulang sa edukasyon, pulpol din ang bagong henerasyon dahil sa malnutrition.