Alam ng BITAG na naglipana ang mga establisimiyento katulad nito sa Kamaynilaan. Hindi lamang sa malalaking klinika naisasagawa ang abortion, maging sa loob ng kuwarto ng bahay maaaring isagawa ang operasyon. Kailangan lamang ay lakas ng loob at tibay ng sikmura.
Hulog sa pinagsanib na puwersa ng BITAG at mga operatiba ng Intelligence Division ng Southern Police District ang abortionist na si Margie Catipon nitong nakaraang Miyerkules sa Cuneta Ave., Pasay.
At ang baluktot na gawaing pag-a-abort ni Catipon, suportado ng kanyang live-in partner na isang pulis na si PO1 Allan Bugayong.
Nagawa pang pumalag at manlaban sa mga operatiba ng Intelligence Division si PO1 Bugayong. Maging ang pagpo-protekta nito sa abortionist na si Capiton ay mariin niyang itinanggi.
Ayon kay PO1 Bugayong, sinu-surveillance raw niya si Catipon. At upang tuluyang magtiwala sa kanya ang dalagang abortionist, niligawan niya ito.
Pero hindi naman sakop ni PO1 Bugayong ang Pasay City dahil taga-ibang unit ito at wala ring malinaw na coordinator o mission order ang kolokoy na pulis para dito.
Ang resulta, patung-patong na kaso ang isinampa sa abortionist na si Margie Catipon at ang kanyang live-in partner na si SPO1 Allan Bugayong.
Alam ng BITAG na hindi lamang sa Metro Manila laganap ang mga kampon ni Satanas sa lupa dahil maging sa malalayong probinsiya ay nagaganap ang abortion.
Alam din naming nagkalat ang kanilang mga runner sa Simbahan ng Quiapo na palihim na nag-aalok ng abortion. Patuloy kaming nakatutok sa kanila na binansagan naming mga kampon ni Satanas sa lupa. Hindi ito ang huli naming operasyon laban sa kanila. Abangan.
Panoorin ang buong detalye ng operasyong ito ngayong Sabado sa BITAG.